Interest, penalty dapat bayaran din kahit bayad na ang principal – SSS
HI po!
Magandang umaga! Gusto ko lang po malaman dahil nabasa ko sa website ng Bandera na may title na “Magreretiro na pero may utang pa sa SSS” na nagpapaliwanag na walang condonation program ngayon ang SSS.
Tanong ko po ay kung totoo po ba na pwede pong mawaive ang interest at penalties kapag binayaran in full ang balance ng loan or ang principal? Sa case po kasi ng mother ko, 2004 pa po yung loan at hindi na po nabayaran dahil sa nagkasakit at hindi na nakapaghanapbuhay.
Nasa P3,364 pesos ang principal pero umabot na po ng P10,780 lahat kasama interest at penalty.
Gusto po sana namin isettle ito para po pagda-ting nya ng retirement age eh makapag pension po sya. Tungkol naman po sa contributions, dahil nag increase po mula January 2014. Voluntary member na po sya, pero huling bayad po eh nung 2010 pa. Pwede po ba ang monthly contribution eh between P110 to P330? Base sa NEW SSS contribution schedule. or kelangan po bang fixed na kapag nagstart sa P330 eh tuloy tuloy na ganoon na ang monthly?
Marami pong
Salamat!
Michael Cortez
REPLY: Ito ay kaugnay ng katanungan ni Michael Cortez hinggil sa pagbabayad ng salary loan balance ng kanyang ina gayundin ang halaga ng contribution na dapat bayaran bilang voluntary member.
Ang salary loan ay isang pribilehiyong ibinibigay ng SSS para sa mga kwalipikadong miyembro.
Ito ay kinakailangang mabayaran sa loob ng dalawang taon nang sa ganoon ay hindi lumaki ang interes nito at magkaroon ng penalty.
Ang pagbabayad ng buo sa principal amount ng salary loan na hindi nabayaran sa loob ng dalawang taon ay hindi nangangahulugan na ang penalty at interes nito ay tatanggalin na ng SSS. Ang mga ito ay kasama pa rin sa halagang kailangang bayaran ng miyembro.
Kapag ang salary loan ay hindi nabayaran, ito ay ikakaltas sa retirement pension ng miyembro o kung hindi naman siya kwalipikado para sa retirement benefit, ito ay ibabawas sa final benefit na maaaring makuha ng kanyang beneficiaries.
Sa kabilang dako naman, ang halaga ng monthly contribution na babayaran ng isang miyembro ay importante sapagkat isa ito sa mga pinagbabasehan ng halaga ng benepisyong maaari niyang matanggap sa hinaharap.
Mas makakabuti para sa isang miyembro na magbayad ng parehong halaga ng huling binayarang buwanang kontribusyon o di kaya naman ay mas mataas kaysa dito.
Kapag mas mataas ang buwanang kontribusyon, mas malaki din ang halaga ng benepisyong kanyang makukuha.
Halimbawa, kapag ang nanay ni G. Cortez ay naghulog ng P330 para sa buwan ng Enero at nais nitong magbago ng hulog para sa susunod na buwan, siya ay maaaring maghulog ng P385 o P440. Maaari siyang magtaas ng buwanang kontribusyon ng hanggang dalawang hakbang sa contribution schedule ng SSS sa bawat pagtataas.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang mga katanungan ni G. Cortez.
Salamat sa patuloy ninyong pagtitiwala sa SSS.
Sumasainyo,
MAY ROSE DL FRANCISCO
Social Security
Officer IV
SSS Media Affairs
Hangad ng Aksyon Line na buong puso namin kayong mapag- lingkuran sa abot ng aming makakaya.
Kaya naman huwag kayong mag-atubiling sumulat sa Aksyon Line c/o Inquirer Bandera, MRP bldg., Mola St. cor. Pasong Tirad st., Makati City.
Maaari rin kayong mag-email sa [email protected] or [email protected] Serbisyo publiko sa AKSYON LINE. Kakampi mo! Maaasahan!
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.