WALANG ibang bagay na iniisip si Juan Manuel Marquez kundi si Mike Alvarado. Ito ang kanyang sinabi upang patayin ang mga usapin patungkol sa posibleng ikalimang pagtutuos nila ni Manny Pacquiao na nabawi ang WBO welterweight title kay Timothy Bradley nitong Linggo sa Las Vegas.
“There is talk of a fifth fight (with Pacquiao), but I am not losing any sleep over it. I am preparing to fight against Alvarado and I don’t care about any other fight,” wika ni Marquez sa Boxingscene.
Isang title eliminator ang labang haharapin nina Marquez at Alvarado at mangangahulugan ito na ang mananalo ay magiging mandatory challenger ni Pacquiao.
Siya man ang manaig ay inulit din ni Marquez ang kawalan ng interes na harapin pa sa ikalimang pagkakataon si Pacquiao.
Matatandaan na hiniritan ni Marquez ng di inaasahang sixth round knockout win si Pacman noong 2012 at ayaw na niyang mabawian pa siya nito.
Idinagdag pa ni Marquez na sawa na ang tao sa kanilang paghaharap at ang nais ng mga manonood ay ang laban nina Pacquiao at Floyd Mayweather Jr.
“I think the fight that the fans want is Manny and Floyd. I have already had four fights withPacquiao, and many people would prefer to see these two opponents face each other in the fight.
I think if we voted on what fight people want to see, I sure they would want to see Pacquiao vs Mayweather Jr.,” pahayag ni Marquez.
Samantala, umangat sa ikaapat na puwesto si Pacquiao sa talaan ng pound-for-pound matapos ang unanimous decision panalo kay Bradley.
Ang dating nasa ikatlo na si Bradley ay bumaba sa ikalimang puwesto habang si Marquez ay nanatiling nasa ikaanim na puwesto.
Ang WBC welterweight champion na si Mayweather pa rin ang number one pero masusukat siya sa Mayo 3 sa pagharap kay WBA king Marcos Maidana.
Samantala, nagpahaging si Pacquiao na kung siya lang ang masusunod ay nais niyang sa Las Vegas pa rin gaganapin ang susunod niyang laban.
“I love Vegas,” sabi Pacquiao. “This is where my biggest fights started.” Kabilang ang laban nitong Linggo kontra Bradley ay 24 beses nang lumaban sa Estados Unidos si Pacquiao at 16 dito ay sa Las Vegas ginanap. Labing-isa naman dito ay sa MGM Grand idinaos.
Nitong linggo ay umabot sa 15,601 ang nanood sa MGM Grand at 80% dito ay mga Pinoy. Nagbanta naman ang promoter na si Bob Arum na hindi na niya dadalhin sa Las Vegas ang mga laban ni Pacquiao matapos na umalma ito sa mga MGM Grand offcials sa paglalagay nito ng mga Floyd Mayweather Jr. vs Marcos Maidana posters sa lobby at gaming tables ng MGM Grand.
Samantala, may pusibilidad na makapaglaro si Pacquiao sa PBA. Ito ang mismong sinabi ni Pacquiao. “I might play in the PBA with KIA,” sabi ni Pacquiao na nais makuha ang No. 17 jersey bilang paggunita sa kanyang kaarawan sa Dec. 17.
Wala pa namang katiyakan kung matutuloy ang paglalaro ni Pacquiao sa expansion team na KIA sa PBA.
( Photo credit to INS )
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.