Cedric, Deniece mas matinding penitensiya ang naramdaman ngayong kuwaresma
Isang malinaw na penetensiya ang nagaganap ngayon kina Cedric Lee, Deniece Cornejo at sa iba pa nilang mga kaibigan sangkot sa mga kasong isinampa laban sa kanila ni Vhong Navarro.
Sa pinalabas na resolusyon ng DOJ ay napakalinaw ng sinasabi, pinakakasuhan sila sa mga kasong grave coercion at serious illegal detention, samantalang ang kasong rape naman na isinampal ni Deniece laban kay Vhong ay habambuhay nang maninirahan sa basurahan ng DOJ.
Nu’ng kasagsagan ng kanilang pagpapalitan ng mga akusasyon ay napakatapang ng dating ng kampo nina Cedric at Deniece, hindi raw sila uurong sa pakikipaglaban, haharapin daw nila ang lahat ng mga kasong isasampa laban sa kanila ni Vhong.
Inikot nila nu’n ang lahat ng networks, kahit anong programa ay pinapatulan nilang puntahan para makalamang sila kay Vhong sa pagpaparinig ng kanilang panig, pero nang maglabas na ng resolusyon ang DOJ ay biglang nagbago ang tono ng nasabing kampo.
May nagtangka pang lumabas ng bansa sa kanila, kahit si Cedric ay balitang nakapagpa-book na ng biyahe papuntang Malaysia, pero nang may makatunog sa kanyang pag-alis ay bigla nitong kinansela ang kanyang biyahe.
Nakapag-bail na sila para sa grave coercion, para namang matalim na tabak na nakaungaong sa ibabaw ng kanilang ulo ang paglabas ng warrant of arrest sa kasong serious illegal detention, dahil walang piyansang katapat ang nasabing asunto kapag napatunayan ng hukuman.
Isang bikig sa lalamunan na ang natatanggal ngayon kay Vhong Navarro, hiling ng kanyang mga tagasuporta ang mas matindi pang hustisya dahil sa inabot na pagpapahirap sa kanilang idolo, maagang dumating sa actor-dancer-TV host ang pagpepenetensiya nu’n kahit malayo-layo pa ang Mahal Na Araw.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.