Kris maligaya kapag may kaagaw sa isang lalaki
Nakakaawa naman si Kris Aquino. Ngayong ipinaglalantaran niya sa publiko na nakita na niya ang espesyal na lalaking nagpapaligaya at nagbibigay ng inspirasyon sa kanya sa araw-araw ay parang hindi niya naman masasabing maligaya rin ang publiko para sa kanya.
Totoong hindi naman ibang tao ang dapat niyang bigyan ng timbang kundi ang puso nila ni Mayor Herbert Bautista, hindi rin ibang tao ang magdidikta ng kanyang kaligayahan, nagkataon lang na isa siyang pampublikong pigura na hinuhusgahan ng taumbayan.
Naloloka ang mga kababayan natin sa mga sinasabi ngayon ni Kris, nauunawaan naman namin ang kanilang punto, lalo na sa aspetong panghihingi ng kapribaduhan ng aktres-TV host para sa kanilang relasyon ng mayor ng Kyusi.
Du’n kasi sa anggulong ‘yun pinakawalang kredibilidad si Kris, sa privacy na hinihingi niya, dahil siya mismo ang nagbubuyangyang ng lahat ng nagaganap sa kanyang personal na buhay malaki man ‘yun o isang simpleng pangyayari lang.
Pasensiya na lang si Tetay kung binabanatan siya ngayon ng mga kababayan natin, wala kasi siyang kadala-dala, sasabihin niya ang gusto niya anumang oras kahit pa ang totoo ay du’n nga siya mahuhusgahan.
At sa pagkakataong ito ay meron na naman siyang natatapakan, may anak si Mayor Herbert kay Tates Gana na dalawampung taon nang karelasyon nito, tuloy ay nagtatanong-nagtataka ang mga kababayan natin kung ang tunay na pakahulugan ba ni Kris Aquino sa salitang pakikipagrelasyon ay pakikipagkumpetisyon?
Maligaya ba siya kapag meron siyang kaagaw sa puso ng lalaki? Ayaw ba talaga niya sa mga lalaking libre? Si Kris Aquino lang ang makasasagot n’yan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.