Win streak ng Spurs pinutol ng Thunder
OKLAHOMA CITY — Umiskor si Kevin Durant ng 28 puntos para tulungan ang Oklahoma City Thunder na talunin ang San Antonio, 106-94, at wakasan ang 19-game winning streak ng Spurs sa kanilang NBA game kahapon.
Si Russell Westbrook ay gumawa ng 27 puntos habang si Serge Ibaka ay nag-ambag ng 11 puntos at 12 rebounds para sa Thunder, na nanalo sa matchup ng top two teams sa Western Conference.
Ang Oklahoma City ay tatlong laro na lang sa likod ng San Antonio at may natitira na lamang na walong laro. Kumamada naman si Durant ng at least 25 puntos sa ika-39 diretsong laro na siyang pinakamahabang streak magmula ng magtala nito si Michael Jordan sa 40 magkakasunod na laro noong 1986-87 season.
Umabot si Durant sa 25 puntos sa pagbuslo ng free throw may 3:31 ang nalalabi sa laro. Si Patty Mills ay kumana ng 21 puntos habang sina Kawhi Leonard at Tim Duncan ay nagdagdag ng tig-17 puntos para sa Spurs.
Ang San Antonio ay nanalo naman sa kanilang naunang apat na laro na may average na 23.5 puntos.
Mavericks 113, Clippers 107
Sa Los Angeles, umiskor si Dirk Nowitzki ng 26 puntos habang si Jose Calderon ay nag-ambag ng 19 puntos para sa Dallas Mavericks na tinalo ang Los Angeles Clippers sa unang pagkakataon ngayong season.
Gumawa si Blake Griffin ng 25 puntos, 10 rebounds at 11 assists para itala ang kanyang unang triple-double ngayong season para sa Clippers, na nanalo sa 17 sa kanilang naunang 19 laro.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.