SA makasaysayang paglagda ng Comprehensive Agreement on the Bangsamoro (CAB) sa pagitan ng gobyerno at MILF, halatang nakisakay ng husto ang mga pulitiko.
Sa Quiapo, kung saan nakatira ang marami sa ating mga kababayang Muslim na nasa Metro Manila, ay nagbunyi sa nangyaring lagdaan. At habang sila ay nakikiisa sa sinasabing milestone, sinamantala ito ng mga politikong gustong umepal at nagpakalat at namigay ng mga t-shirt na kulay dilaw na halatang may isinusulong na partido. Sino pa nga ba ang tinutukoy ko kundi ang partido ng administrasyon ni Pangulong Aquino na Liberal Party.
Kung may kulay man na sumisimbulo sa isinusulong na kapayapaan sa Mindanao na siyang ginamit ng ating mga kababayan sa rehiyon ay ang kulay berde. Halatang-halata tuloy na nakisakay ang LP sa ginawang paglagda sa CAB noong Huwebes.
Bagamat hindi naman maikakaila na ang pagpirma ng peace pact sa MILF ay maituturing na isang legacy ng administrasyon ni
Pangulong Aquino, bad taste pa rin kasi halatang pinulitika ang nasabing okasyon ng kanyang partido.
Matagal nang hinahangad ng ating mga kababayan na makamit ang kapayapaan sa Mindanao, hindi na lang sana nakisakay pa ang mga politiko.
Malayu-layo pa naman ang 2016, kaya’t kung maaari lang ay huwag na itong gamitin pa para magpapogi.
Mismong si PNoy ang laging nagsasabi na nananatiling trabaho ang prayoridad ng kanyang administrasyon sa kabila ng may ilang pulitiko na ang nagdeklara ng kanilang kandidatura para sa 2016 presidential polls.
Taliwas naman ito sa ginagawa ng kanyang mga kapartido na halatang sumasakay na sa isinusulong na peace pact sa MILF.
DA who naman itong kilalang kontrobersiyal na personalidad na dumalo sa paglagda ng CAB sa Malacañang na tila pakiramdam niya ay dumadalo siya sa isang awards night para sa mga artista dahil sa kanyang kasuotan.
Paano ba naman, alam naman ng personalidad na mga kababayan nating Muslim at mga matataas na opisyal mula sa mga bansang Muslim ang dadalo sa pagtitipon na alam naman ng lahat na konserbatibo pagdating sa pananamit, ngunit halos ibuyangyang nito ang kanyang dibdib dahil sa kanyang suot na damit.
Bukod sa kitang-kita ang kanyang mga balikat at sumisilip na ang kanyang cleavage, hapit-na-hapit din ang katawan nito sa kanyang suot na gown.
Biruan tuloy ng mga mamamahayag na nag-cover sa event na mukhang tinatarget ng personality na mapansin ng prinsipe ng Saudi Arabia na isa sa mga dumalo sa pagtitipon.
Kilala kasing single ngayon ang personalidad matapos na makipaghiwalay sa kanyang mister na may kasintahan na rin.
Bagamat nauugnay ngayon ang kontrobersiyal na personalidad sa isang mayor sa Metro Manila, may sabit na rin naman ito.
Imposibleng hindi ninyo siya kilala….
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.