Julia Barretto pinaghalong Claudine at Gretchen
Sumibol na ang naiibang ganda ng kwento ng official summer teleserye ng ABS-CBN na Mirabella at base sa datos mula sa Kantar Media noong Lunes (Marso 24), agad nitong binihag ang puso ng mga manonood.
Pumalo ang pilot episode ng fantaseryeng pinagbibidahan nina Julia Barretto at Enrique Gil ng national TV rating na 22% o mahigit doble ng nakuha ng katapat nitong programa sa GMA na Paraiso Ko’y Ikaw (10%).
Bukod sa ratings, panalo rin ang serye nina Julia at Enrique sa mga sikat na social networking site tulad ng Twitter kung saan naging number one worldwide trending topic ang hashtag na #TheStoryOfMirabella.
Samantala, tiyak na lalong mapapaibig ang buong sambayanan sa kwento ng Mirabella sa pagsilang ng anak nina Daisy (Dimples Romana) at Alfred (James Blanco) na si Mira.
Ano ang gagawin nina Osang (Pokwang) at Paeng (John Lapus) kapag natuklasan nilang minana ni Mira ang sumpang ibinigay ni Olive (Mylene Dizon) kay Daisy?
Kaya ba nila itong palakihin na puno ng pagmamahal sa kabila ng pagtalikod ng kanyang ama at pagkawala ng kanyang ina?
Huwag palampasin ang teleseryeng babago sa kahulugan ng tunay na kagandahan, Mirabella gabi-gabi, bago mag-TV Patrol sa Primetime Bida ng ABS-CBN.
Siyanga pala, agree ako sa mga nagkomento na pinaghalong Claudine at Gretchen si Julia, nakuha nito ang galing sa pag-arte ng ex-wife ni Raymart Santiago at nagets naman nito ang ganda ni Greta. ‘Yun na!
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.