KUNG sino man yung mga trabahador na may hawak ng 18 pakete na pure-grade cocaine, makabubuti para sa inyo na isurender ang mga ito sa awtoridad.
Baka kayo’y mapahamak sa pagtatago ninyo ng mga paketeng nawawala.
Baka ang tungo ninyo ay sa sementeryo kapag nahuli sa inyo ang mga nasabing pakete.
Pinakiusapan na kayo ni Davao City Mayor Rody Duterte na isuko ang mga missing packs ng 65-pack shipment ng cocaine na patungo sana sa South Korea.
Sinabi na sa inyo ni Duterte na isuko na ninyo ang nawawalang pakete at hindi kayo uusigin.
Kayo rin!
Nadiskubre ng mga trabahador ng Sumifru, isang banana exporting company, ang illegal na shipment sa isang refrigerated container van.
Nadiskubre ang 65 packs ng cocaine na nakatago sa bubungan ng refrigerated van habang nililinis ang van ng mga trabahador ng Sumifru bago ito lagyan ng mga saging na papuntang South Korea.
Ipinagbigay alam agad ng mga opisyal ng Sumifru sa mga alagad ng batas ang nakitang illegal na shipment.
Sa 65 na butas sa bubungan kung saan nakita ang 24 pakete, ang nawawala ay 41 na pakete.
Sinabi ng mga ahente ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na ang isang pakete ng cocaine ay nagkakahalaga ng P6 million.
Nakiusap si Duterte sa mga trabahador ng Sumifru na isurender ang mga paketeng nawawala.
Sinabi ng mayor na hindi uusigin ang sino mang trabahador nagsurender ng mga nawawalang pakete.
Nandoon ang inyong lingkod nang makiusap si Rody Duterte sa mga trabahador.
Nakikipag-dinner ang inyong lingkod kay Duterte noong Sabado ng gabi nang siya’y makatanggap ng mensahe na may nasakoteng malaking shipment ng droga sa Sumifru port sa Tibungco district.
Niyaya ng mayor ang inyong lingkod na samahan siya sa Tibungco port.
Ipinapasok ako sa refrigerated 40-foot container van kung saan nadiskubre ang illegal na shipment.
Maganda ang pagkakalagay ng mga pakete sa bubungan. Kung hindi lang tumingala ang mga trabahador, baka hindi nakita ang illegal na droga.
Kinabukasan, Linggo, March 23, 2014, nakita ang 23 pakete sa iba’t ibang panig ng pantalan.
Pero meron pang 18 na di pa naisusurender.
Ang payo ko sa mga trabahador na tinatago ang mga 18 pakete: Masyadong mainit ang hinahawakan ninyong mga pakete.
Mahirap ipagbili ang mga paketeng yan dahil kakaunti lang ang gumagamit ng cocaine sa bansa dahil ito’y napakamahal.
Ang gumagamit lang niyan dito ay mga lubhang mga mayayamang tao at mga artista.
Sino naman sa inyo ang may kakilalang mayaman?
Kapag ipinagbili naman ninyo ang pakete sa labas, tiyak na mahuhuli ang inyong pinagbilhan dahil bibihira nga ang gumagamit niyan dito.
At kapag nahuli ang inyong pinagbilhan ng bawal ng droga, maituturo kayo.
At may malaking posibilidad na baka maipagbibili ninyo yan sa mga undercover anti-narcotics agents.
At kung kayo’y nahuli sa Davao City, tiyak di na kayo bubuhayin ng Davao Death Squad, isang vigilante group sa siyudad.
Ang paghawak ng malaking halaga na droga—P6 million ang isang pakete, di ba?—ay nangangahulugan na kayo’y drug trafficker.
Hindi binubuhay ang mga drug trafficker sa Davao City, at alam ninyo yan.
Kaya’t, mga pare, isurender na ninyo ang hawak ninyong mga pakete.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.