Durant naghulog ng 51 puntos sa double OT panalo ng Thunder
TORONTO — Nagtala si Kevin Durant ng 51 puntos at 12 rebounds para pangunahan ang Oklahoma City Thunder na maungusan ang Toronto Raptors, 119-118, sa double overtime matapos magkaroon si NBA All-Star guard Russell Westbrook ng right knee injury sa ikatlong yugto sa kanilang NBA game kahapon.
Tumira si Durant ng e go-ahead 3 may 1.7 segundo ang nalalabi sa ikalawang overtime para ipanalo ang Thunder, na inuwi ang ikaapat na diretsong panalo at nagtala ng 3-0 karta sa kanilang road trip.
Nag-ambag si Reggie Jackson ng 25 puntos habang si Serge Ibaka ay nagdagdag ng 13 puntos. Umiskor naman si Durant ng 25 puntos o higit pa sa sa 34 diretsong laro, ang pinakamahabang scoring streak sa NBA magmula nang maisagawa ito ni Michael Jordan sa 40 magkakasunod na laro noong 1986-87 season.
Gumawa si DeMar DeRozan ng 33 puntos habang si Amir Johnson ay nagtala ng 25 puntos at 12 rebounds para sa Raptors.
Knicks 93, 76ers 92
Sa Philadelphia, gumawa si Amare Stoudemire ng 22 puntos at 10 rebounds habang si Carmelo Anthony ay umiskor ng 21 puntos para sa New York Knicks na itinala ang ikawalong diretsong panalo matapos malusutan ang Philadelphia 76ers.
Nalasap naman ng Sixers ang ika-23 diretsong pagkatalo para matapatan ang ang Vancouver Grizzlies (1995-96), Denver Nuggets (1997-98) at Charlotte Bobcats (2011-12) na itinala ang second-longest single-season losing streak sa kasaysayan ng NBA.
Ang Cleveland Cavaliers ang may hawak ng record na 26 diretsong pagkatalo na itinala nito noong 2010-11 season.
Kailangan naman ng Sixers (15-54) na magtala ng upset win sa kanilang tatlong sunod na road games para maiwasan ang nasabing record.
( Photo credit to INS )
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.