Hindi raw kasi nasarapan si direk Joyce Bernal
BAGO pa man mag-umpisa ang shooting ng “Segunda Mano” na entry ng Star Cinema at MJM Productions sa 2011 Metro Manila Film Festival ay inamin na sa amin ni direk Joyce Bernal na kinakabahan siya dahil first time niyang magdirek ng seryosong horror at ngayon lang din siya gumawa ng pelikula na pang-festival.
“Pangdrama, love story at comedy-horror ako, kaya kabado ako kasi first time kong magseryoso sa horror, siguro kailangan ko pang magpraktis,” pag-amin ni Binibining Joyce.
At kung gaano kanerbyos si direk Joyce ay puring-puri naman siya ng artista niyang si Kris Aquino dahil mahusay daw ang pagkakagawa ng “Segunda Mano” at ang edge raw ng batang direktora sa iba ay, “She’s an editor-director.” May touch din daw si direk Joyce ni direk Chito Roño.
Kaya naman sa ginanap na grand presscon ng “Segunda Mano” nu’ng Lunes ng gabi ay tinanong namin si Bb. Joyce kung paano siya nahirapan sa pelikula, e, maganda naman ang resulta base sa trailer at papuri sa kanya ni Kris.
“Mahirap palang manakot. Yung paglitaw ng multo at ‘yung takot. Kung ano ‘yung right amount ng pagre-reveal. Paano ‘yun, sa umpisa ba, ire-reveal mo na ba kaagad o kamay ba muna, marami palang factors,” bungad na kuwento sa amin ni direk Joyce.
“Akala ko noon, alam ko ang horror. Pero, hindi pala. So, talagang takot na takot talaga ko na hindi siya nakakatakot. So, yun talaga ang winork-out ko. Hanggang ngayon, tensiyonado ako. Sa buong buhay ko bilang director, ngayon lang ako na-tension.
“Akala ko, alam ko. So, hanggang ngayon, kinakabahan pa rin ako. Sagad. Ngayon lang,” pag-amin pa nito.
At nalaman namin na ang multo sa “Segunda Mano” ay, “Hindi siya nanakot, she’s protecting, but seemingly she kills everyone na malapit sa mahal niya. May twist dito, magugulat kayo.”
Ang multo raw kasi ay hindi wandering soul kundi energy na naiiwan sa mga gamit niya. Like pinatay siya, malungkot o sobrang saya ng taong namatay na suot ‘yung gamit, naiiwan ‘yung energy du’n. Naniniwala ako bilang kitain ako ng multo.”
Naka-43 shooting days daw ang “Segunda Mano” at inamin ni direk na nagre-shoot sila ng ilang eksena, kabilang na diyan ang kissing scene nina Kris at Dingdong Dantes.
“Kasi ‘yung eksena namin, nagbigay ng ring (si Dingdong) tapos niyakap lang, tapos nag-kiss lang ng ganu’n (smack). Parang hindi masarap, ‘yun talaga ang term ko, hindi masarap.
Sabi ko kay Dingdong, ‘Dong pengeng masarap na kiss, Diyosko naman, nakita ko na naman siyang makipaghalikan no? Kaya sabi ko, penge naman ng ganu’n’. So ‘yun, ni-re-shoot namin ‘yun.
“Maganda ‘yung kissing scene nila kasi masarap na, bumuka na ang bibig ni Dong, tapos si Kris bumigay na rin,” paglalarawan ni direk Joyce.
Tinanong namin kung ano ang reaksyon ni Kris pagkatapos ng kissing scene nila ni Dingdong, “E, marunong naman lola mo, so parang galit-galitan, dedma. Siguro para wala ring isyu dahil baka awayin siya ni Marian (Rivera), pero tingin ko naman hindi, kasi nagpaalam din naman si Dong,” pag-amin sa amin ng director.
So, totoo palang super selosa si Marian sa mga babaeng nakakasama ni Dingdong sa pelikula? “E, siguro, siyempre malaman mo lang na may kahalikang iba ang boyfriend mo, hindi ka ba magre-react? Pero baka kay Kris, hindi naman siguro,” katwiran ng direktor.
Inamin din sa amin ni direk Joyce na isa pang eksenang nahirapan ng todo si Kris at nagkasakit pa ay ang underwater scene na kinunan ng magdamag,
“Siyempre kailangan magdamag kasi horror kami, so gabi ang mga eksena, kaya madalian kasi kapag inabutan kami ng putok ng araw wala na, hindi na puwedeng kunan kasi hindi na papantay (kulay) pack-up na talaga,” kuwento sa amin.
Samantala, ang pangarap ni Kris ay makuha ang number two slot sa 2011 MMFF, “Sana magkatotoo ang wish ni Kris, pero kung ako ang tatanungin mo Reggs, hindi ko alam talaga. Kabado kasi ako, sa totoo lang,” pagtatapat pa ni Joyce Bernal sa amin.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.