SINIMULAN na ng Manila Electric Company ang kanilang prepaid kuryente sa Angono at Taytay, Rizal.
Parang cellphone lang di ba? Kung wala kang load, wala kang kuryente.
Sana raw may pasaload at unli-kuryente rin.
May mga naniniwala na matututo nang magtipid ng kuryente ang mga naka-prepaid kuryente dahil mas mababa-budget nila ang kanilang pagkunsumo.
Mas matutukoy na rin ng tao kung magkano ang kanilang arawang gastos sa kuryente hindi katulad ngayon na ang tinitignan lang kalimitan ay yung kabuuan ng bayarin kada buwan.
Dapat lang ay linawin ng Meralco sa mga gagamit nito kung magkano ang singilan, baka matuligsa sila sa naglalahong load.
Sa sistema ngayon, gagamitin mo muna ang kuryente bago mo bayaran.
Sa prepaid kuryente, babayaran mo na ang kuryente bago mo gamitin.
Sa madaling salita, hawak na nila ang pera mo. Kaya sana mas mura ang kuryente na kanilang ibenta.
Pwede na nilang gamitin ang pera mo sa ibang pagkakakitaan kaya sana magbigay naman sila ng discount.
Kung mura lang sana ang mga gamit para maging kuryente ang sikat ng araw, hindi na sana natin iaasa ang lahat sa mga power producers.
Sino ba naman ang ayaw na magkaroon ng libreng kuryente sa bahay?
Bakit nga kaya, hindi na lang mamigay ng solar panel ang gobyerno sa mga mahihirap para hindi na nila kailanganin na mag-jumper?
O baka ang TESDA pwede na magkaroon ng proyekto at gumawa ng mga solar panel na ipamimigay ng mga mahihirap na walang pambayad ng kuryente.
Kumbaga, ‘yung mga magpa-practice na scholars ng TESDA ang ipagawa nalang ay solar panel para mapapakinabangan ng mga walang-wala.
Tutal nakikinabang ang mga scholars sa pondo ng gobyerno, bakit hindi na rin sila pakinabangan para masolusyunan din ang ibang problema ng bayan.
Mukhang may punto si BIR Commissioner Kim Henares.
Bago ibaba ang buwis ng mga ordinaryong empleyado, dapat unahin muna na ayusin ang buwis ng mga malalaki ang kinikita.
Para nga naman hindi bumaba ang kita ng gobyerno. Kapag malaki na ang nakokolekta ng BIR mula sa mga malalaki ang kita pwedeng bawasan na nila ang 32 porsyentong buwis na pinapasan ng mga ordinaryong kawani.
Ang sabi ang laki raw ng nawawala sa gobyerno sa smuggling ng bigas. Hindi nga naman sila nagbabayad ng tamang buwis.
Pero ang nakakapagtaka, kung maraming smuggled na bigas bakit hanggang ngayon ay mataas ang presyo nito?
Kung meron kasing smuggling ang makikinabang dito ay ang publiko dahil mas mababa ang kanilang presyo kasi tax free.
Pero bakit mahal pa rin ang bigas kahit may smuggling? Malaki rin siguro ang hinihinging tong-pats ng mga nagpapalusot ng bigas.
Walang tax sa gobyerno pero may tax sa mga tiwaling opisyal.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.