CHICAGO — Umiskor si Manu Ginobili ng 22 puntos habang si Tony Parker ay nag-ambag ng 20 puntos para sa league-leading San Antonio Spurs na tinalo ang Chicago Bulls, 104-96, sa kanilang NBA game kahapon.
Nagdagdag naman si Kawhi Leonard ng 16 puntos para sa San Antonio, na nauwi ang ikapitong diretsong panalo at ika-10 sa huling 11 laro. Napanatili rin ng Spurs (47-16) ang hawak sa NBA best record kung saan angat sila ng kalahating laro sa Oklahoma City Thunder at Indiana Pacers.
Maagang nagtayo ng malaking kalamangan ang San Antonio at angat sila sa iskor na 61-33 sa halftime. Nakatulong din ito para umangat sila sa 24-6 karta, ang NBA best mark sa road games ngayong season.
Pinangunahan ni D.J. Augustin ang Bulls sa kinamadang 24 puntos habang si Jimmy Butler ay nagdagdag ng 23 puntos.
Pacers 94, Celtics 83
Sa Indianapolis, gumawa si David West ng 24 puntos habang si Andrew Bynum ay humablot ng season-high 10 rebounds para tulungan ang Indiana Pacers na maiwanan ang Boston Celtics at iuwi ang panalo.
Winakasan din ng Indiana (47-17) ang longest losing streak nito ngayong season sa apat na laro. Nag-ambag si Paul George ng 12 puntos para sa Pacers na pinalawig ang kanilang Eastern Conference lead sa 1½ laro laban sa two-time defending champion Miami Heat sa East.
Ang Boston (22-42) ay pinamunuan ni Jared Sullinger na umiskor ng 17 puntos habang si Kris Humphries ay nag-ambag ng 15 puntos para sa Celtics na nagwakas ang two-game winning streak.
Naglaro lamang si Bynum ng 15 minuto subalit ang kanyang unang basket ang nagbigay sa Indiana ng 16-14 bentahe at hindi na naghabol ang Pacers mula rito.
Thunder 106, Rockets 98
Sa Oklahoma City, kumana si Kevin Durant ng 42 puntos para pangunahan ang Oklahoma City Thunder na padapain ang Houston Rockets.
Nag-ambag naman si Oklahoma City guard Russell Westbrook ng 24 puntos. Si Serge Ibaka ay nagdagdag ng 12 puntos at 16 rebounds para sa Thunder, na galing sa dalawang sunod na pagkatalo. Ang dating Thunder guard na si James Harden ay umiskor ng 28 puntos.
Pistons 99, Kings 89
Sa Auburn Hills, Michigan, kumamada si Josh Smith ng 24 puntos habang si Rodney Stuckey ay nagdagdag ng 23 puntos para pamunuan ang Detroit Pistons na pataubin ang Sacramento Kings.
( Photo credit to INS )
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.