SI Saldua ay state witness laban kay Padre Jose Burgos, na mas matalino at mas mataas pa ang IQ kesa kay Jose Rizal. Ginamit ng estado si Saldua na state witness para mas lalong madiin ito sa pag-aalsa ng mga Pinoy sa Fort San Felipe sa Cavite City. Masidhi at masinsin ang paglilitis. Naging testigo ni Padre Burgos ang kanyang kasera, na nagsabing tahimik ang pari at palaging nagbabasa at nag-iisip ng malalim. Si Padre Burgos ay ipinagtanggol ni Kapitan Fonteviel.
Naabsuwelto si Padre Burgos at ang kaso ay umakyat sa gobernador heneral, na ang katumbas ay pangulo. Nang rebisahin ng gobernador heneral ang kaso, binaligtad nito ang desisyon at iniutos ang agarang paggarote sa mga paring Gomez, Burgos at Zamora. Kabilang sa mga ginarote ay ang state witness na si Saldua. Mag-isip.
Huwag sanang malibang ang taumbayan sa parada at pagdami ng “state witness” sa Senado. Ang imbestigasyon ng mga basketbolista sa Senado ay para maalis ang atensyon ng taumbayan sa bulok na mga bus sa Metro Manila at mga lalawigan, sa kaskaserong mga driver; sa patuloy na pagtaas ng presyo ng bigas at kapabayaan ng gobyerno sa mahihirap. Higit sa lahat, hindi dapat mabaling ang atensyon sa araw-araw na krimen sa kalye. Hindi solusyon sa ating mga problema ang basketball sa Senado.
Para sa mga naghihirap sa Zamboanga City, naglaho na ang gobyerno at pinabayaan na rin sila ni Pangulong Aquino. Mahirap mag-umpisa pagkatapos winasak at nasunog ang mga bahay sa gera ng gobyerno at Moro National Liberation Front. Heto na sila ngayon, dumaranas ng anim na oras na brownout at nitatasyon na ang tubig. Bumagal ang pagpapatayo ng Shelter Homes ng mga nawalan ng bahay dahil sa gera at binabaha na ang mabababang lugar. Hindi pa kasama rito ang halos araw-araw ay may namamatay sa evacuation centers.
Kung nagulat ang ilan sa balitang mga pulis na agaw-bato, hindi naman ang mismong mga pulis at nakararami sa Metro Manila na itinuturo ang pulis, barangay at politiko sa pagbaha ng shabu sa komunidad. Si Chief Insp. Bienvenido Reydado, na madalas daw sabitan ng medalya, ay hinuli sa mismong tanggapan niya sa Camp Tomas Pepito sa Angeles City. Ayon sa mga PO box sa Caloocan, masuwerte pa raw ang opisyal dahil hinuli pa siya. Karaniwan daw na nagpapatayan na lang ang pulis at pulis para makontrol ang operasyon ng ilegal na droga, tulad ng nangyari sa isang parak noong 2013.
MULA sa bayan (i-text sa 0917-8446769): Gusto ko lang pong ipaabot sa kinaukulan kung bakit pinapayagan ang paggamit ng paputok dito sa Bilibid. Kagabi po (Marso 5) ay ang lakas ng putukan dahil anibersaro ng Commando. ….9484
Kami po ay taga-Panaon, Misamis Occidental. Ipinagtatanggol namin at pinupuri namin ang aming doktor. Tumatanggap siya ng bayad na apat na manok; o baboy o baka sa ilang operasyon. Bakit siya bubuwisan ng gobyerno? Hindi naman siya yayaman sa bigay namin na manok, baboy at baka dahil hindi naman araw-araw ito. Bakit nagiging sakim na ang gobyerno?
Dito sa Misamis Occidental, hindi ramdam ng mga mangingisda ang kalingan ng gobyerno. Sana’y iparating ng Bandera ang aming pangangailangan sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources at kay Agriculture Secretary Proceso Alcala. …5422
Napakabigat na ang trapik dito sa amin sa San Juan. Meron din kaming sariling traffic enforcers pero umaalis na sila sa puwesto bago sumapit ang alas-6 ng gabi. Sana naman ay palawigin pa ni Mayora ang kanilang oras. Dito na kasi dumadaan ang mga sasakyan na umiwas sa EDSA. Mon, ng Ipil st.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.