Lebron binuhat ang Heat kontra Thunder
OKLAHOMA CITY — Umiskor si LeBron James ng 33 puntos bago lumabas sa ikaapat na yugto bunga ng nagdudugong ilong para pangunahan ang Miami Heat na tambakan ang Oklahoma City Thunder, 103-81, sa kanilang NBA game kahapon.
Inilabas sa laro si James may 5:50 ang nalalabi sa laro matapos tamaan ni Oklahoma City forward Serge Ibaka habang sumasalaksak patungo sa basket.
Nakagawa si James ng dunk subalit duguan naman siya at umalis ng court na may towel sa mukha. Si Dwyane Wade aynagtala ng 24 puntos at 10 assists habang si Chris Bosh ay nagdagdag ng 24 puntos para sa Miami, na itinala ang ikaapat na sunod na panalo at nakaganti sa pagkatalo sa Oklahoma City sa kanilang homecourt.
Gumawa naman si Kevin Durant ng 28 puntos para sa Oklahoma City habang si Russell Westbrook, na hindi nakapaglaro ng 27 laro matapos magkaroon ng operasyon sa kanang tuhod, ay umiskor ng 16 puntos bilang starter.
Nalasap naman ng pagkatalo ang Oklahoma City sa kanilang homecourt sa unang pagkakataon magmula noong Enero 5.
Warriors 102, Rockets 99 (OT)
Sa Oakland, California, nakagawa si Stephen Curry ng tying layup may 3.2 segundo ang nalalabi sa regulation at nagtapos na may 25 puntos para pamunuan ang Golden State Warriors sa overtime panalo na pumutol sa eight-game winning streak ng Houston Rockets.
Si David Lee ay nag-ambag ng 28 puntos at 14 rebounds habang sina Klay Thompson at Jordan Crawford ay nagdagdag ng tig-12 puntos para sa Golden State.
Si Dwight Howard ay humablot ng 21 rebounds subalit umiskor lamang siya ng 11 puntos habang si Chandler Parsons ay nagtala ng 21 puntos at walong rebounds para sa Houston.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.