Florida Bus dinidedma mga biktima ng Bontoc incident
DITO natin masusubukan kung hanggang saan ang galing nitong Land Transportation Franchising and Regulatory Board na namumuro na dahil sa kanyang kapalpakan. Oo, palpak talaga kung palpak itong LTFRB, at kaya nating sabihin ng harapan na dapat din itong sisihin sa kabi-kabilang mga aksidente sa kalye.
Ngayon tingnan natin kung may asim ang gobyerno, partikular na ang LTFRB kung kaya nitong kalampagin ang GV Florida Transport na siyang may-ari ng Florida bus na nahulog kamakailan sa Mountain Province na ikinasawi ng 14 katao kabilang ang artistang si Tado at pagkasugat ng 30 iba pa.
Taliwas kasi sa pahayag ng may-ari ng bus na sila raw ang sasagot ng mga gastos sa ospital at burol at pagpapalibing sa mga biktima ng trahedya, eh mukhang sa salita lang nangyayari.
Nagsumbong sa atin ang pamilya ng dalawang biktima ng insidente. Kwento ng pamilya nina Trina de Leon at ila, mahigit isang linggo na ang nangyaring aksidente pero ni singko ay walang naipaaabot na tulong ang bus company gaya ng kanilang naipangako.
Ayon sa pamilya ng biktima na si Trina De Leon at Karina Cadag Javier, ni singko ay walang tulong silang natatanggap mula sa bus company.
Dinala si de Leon sa Bontoc Hospital at Luis Hora Memorial Hospital saka inilipat sa Baguio General Hospital. Pagkatapos nito, inilipat muli ang biktima sa St. James Hospital, Sta. Rosa, Laguna gamit ang isang ambulansiya. Lahat ng gastos ay ang pamilya ang bumalikat. Hindi nagparamdan ang bus company.
Hindi pa rin nakakalakad at nakakaupo si De Leon; naghihintay pa rin ng resulta sa napakaraming pagsusuring ginawa sa kanya.
Masaklap din ang nangyari kay Javier na kamakalawa lang ay inoperahan sa kanyang spine at habang isinusulat ang balitang ito ay hindi pa alam kung anong kahihinatnan ng operasyon. Siya ngayon ay naka-confine sa Medical City sa Ortigas, Pasig. Nasa P200,000 na ang kanilang gastos,
pwera pa ang sa doctor.
Ewan ko na lang kung hanggang kailan magpapakamanhid itong bus company na pag-aari ng mag-amang Virgilio at George Florida. Nakakatulog pa kaya sila?
TINUTUKAN noong Huwebes ang pagharap ni Ruby Tuason sa Senado hinggil sa kanyang nalalaman sa pork barrel scam matapos siyang kunin ng DOJ bilang state witness on conditional status.
Isa si Tuason sa mga naunang kinasuhan ng plunder ng DOJ sa Office of the Ombudsman dahil sa pambubulsa ng pera ng bayan.
Inamin ni Tuason sa kanyang pagharap sa pagdinig ng Senate blue ribbon committee ang kanyang naging partisipasyon sa pork barrel scam.
Pero sa kanyang pagharap, maraming mga katanungan ang hindi nasagot lalo pat tanging si Jinggoy Estrada lang ang kanyang idiniin at ang chief of staff ni Juan Ponce Enrile na si Atty. Gigi Reyes. Naiiwas si JPE.
Inamin ni Tuason na siya mismo ang nag-abot ng pera kay Estrada at kay Reyes na galing naman sa tinaguriang utak ng pork barrel scam na si Janet Lim-Napoles bilang parte ng PDAF na kanilang pinaghahatian.
Kung si Tuason ang nagsilbing point man ni Napoles at tagadeliber ng pera, hindi maiiwasang itanong ng marami kung sino pa sa mga mambabatas ang naipakilala niya kay Napoles at pumayag na pagkakitaan ang kani-kanilang pork barrel.
Ang nakakalungkot din ay kung bakit iilan lang ang senador ang dumalo sa pagdinig. Tama ang obserbasyon ni Sen. Miriam Defensor kung bakit parang dinededma ang pagdinig samantalang napakalaki ng perang involved sa scam na ito.
Halata rin na tila kontrolado ang pagtatanong ng mga senador at gayundin ang sagot ni Tuason. Ito ba ay para hindi na madamay ang iba pang mambabatas na nambulsa ng pera ng bayan?
Kung nais talaga ng gobyerno ng katarungan at papagbayarin ang mga nakinabang sa pera ng bayan, dapat ay papanagutin lahat ang mga sangkot sa pork barrel scam, maging ang mga ito ay kaalyado man ng administrasyon.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.