SUKDULAN na ang ipinakikita ng showbiz, at tinawag pang industriya (ha!?) hinggil sa pagkakalulong sa laman, ang papalit-palit na kasiping sa kama, paglalaro sa pakikipagtalik na ikinalat pa sa Internet, ang pagniniig sa may asawa o may nobyo (nobya) na, ang pagpapalipas ng magdamag para lamang matikman ang personalidad, ang pagkahayok sa laman.
Makasalanang mundo ng showbiz na nga ang ipinakikita’t ipinamamalas ng mismong nagpapaikot sa industriya at wala na silang pakundangan sa moralidad na ituturo’t iiwanan sa kanilang mga anak, malalapit na kamag-anak at kaibigan.
Nakalipas na nga ang panahon na ang artista o personalidad ay tinitingala dahil ang kanyang pagiging tanyag, na siyang sinusundan at kinagigiliwan ng taumbayan, ay kahanga-hanga at maaaring huwaran para gayahin ng humahanga.
Maliban sa paglalasing, bukod-tangi si Fernando Poe Jr., na walang hayagang kinasangkutang imoralidad na maaaring pagpiyestahan ng mga imoral.
Bago lumabas sa show na Eat Bulaga, umugong ang balita na ibabalik si Wally Bayola at naghihintay lamang ng tiyempo, panahon. Iginiit pa ng isang opisyal na nasangkot lamang sa isang kasalanan si Bayola at ito’y “maliit” kung ikukumpara sa kanyang serbisyo, ang pagbibigay ng saya “mula Aparri hanggang Jolo.”
Humingi ng paumanhin si Bayola sa kaibigang si Jose Manalo, na nagdiriwang ng kaarawan: “Kaibigan, sorry, sorry talaga…” ani Bayola kay Manalo sa bahagi ng “Juan for All, All for Juan.”
May apat na buwan na ang nakalilipas nang bumuyangyang sa Internet ang mainit na sex tape nina Bayola at EB babe. Bawal ipakita sa telebisyon ang nagngangalit na lampungan, pero kahit sino, pati na ang bata na marunong magbukas ng Internet at hanapin ang pagtatalik, ay napanood na ito.
Ilang araw bago muling nakita sa telebisyon si Bayola, nagpayo pa itong si Vhong Navarro na dapat kailangan na maging tapat sa partner, na hindi niya ginawa, kailanman.
At kailanman, hindi maaaring ibaling ang atensyon at gawing biktima si Navarro. Nakapagtataka na iilan na lamang ang naggigiit na biktima si Navarro gayung ang lalaking taumbayan ay nakita na ang dahilan na hindi sana niya sinapit ang ganoon kung di siya umakyat sa ibang pugad.
Matalino na rin ang taumbayan ngayon at hindi na sila magogoyo at maloloko ng organisadong panloloko na isinasagawa ng magagaling na abogado.
Nagalit ang taumbayan kay Hayden, na ang kilalang partner ay si Belo. Kumita ang mga “DVD” sa Quiapo at sa buong bansa dahil sa maigsing bold ay nagkamal ng pera ang mga ito.
Tulad ng pagniniig ni Bayola, ang eksena ni Hayden, bagaman hindi singbangis, ay nakita at napanood ng lahat, pati mga bata na marunong magbukas at maghanap sa Internet.
Ang mga pulpol na politiko ay nag-agawan para magbusisi at nanalo ang Senado. Habang iniimbestigahan sa Senado, inagaw ni Abner Afuang ang eksena sa mga senador sa pagbuhos ng tubig sa ulo ni Hayden.
Oo nga naman, bakit hindi inimbestigahan ng Senado ang kaso ni Bayola? May sagot na rin diyan ang matalinong taumbayan.
Bakit hindi inimbestigahan si Navarro? Hindi sinundan, at kinilig, ang taumbayan kay Vhong.
Si Vhong ba o ang mataas na presyo, at itataas pa, ng singil ng Meralco? Si Vhong ba o ang patuloy na dumarami ng nagugutom at nawawalan ng trabaho?
Si Vhong ba o ang araw-araw at sunud-sunod na krimen sa kalye, bahay at maging sa loob mismo ng simbahan? Si Vhong ba o ang tumataas na presyo ng mantika at paliit nang paliit na laman sa sisidlan ng ice candy?
Si Vhong pa ba o ang patuloy na panggigipit ng Hong Kong dahil sa matigas na ulo ng pangulo? Si Vhong pa ba o ang patuloy na panghihiya’t pangungutya ng China sa “amateur” na presidente?
Nakalulungkot na hindi na sumusunod sa atas at utos ng relihiyon ang kilalang mga personalidad sa bansa. Nakalulungkot na wala nang saysay ang pagbabawal ng Diyos sa pakikiapid.
Nakalulungkot na hindi na sagrado ang kasal at pagkalipas ng maigsing panahon ay wala nang silbi ang kontrata. Nakalulungkot na hindi pa rin lubusang nakababangon ang mga binagyo sa Visayas at Mindanao, maging sa Luzon, na ang mga biktima ni Santi ay kinalimutan na.
Nakalulungkot na sa umpisa pa lamang ng panunungkulan ng Ikalawang Aquino ay talamak na ang smuggling at halos lahat ng nasa poder at Malacanang ay nakasawsaw sa Aduana.
Nakalulungkot na dumating na sa yugto na ang alkalde ay handa nang patayin ang smuggler dahil kinupkop at kinunsinti ito ng Bureau of Customs, Department of Agriculture at National Food Authority.
Nakalulungkot na nais pa ng Malacanang na ibaling ang atensyon ng taumbayan sa imoralidad, sa walang kwentang mga bagay para lamang di mapuna ang kawalan ng ginagawa.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.