SALT LAKE CITY — Umiskor si Marvin Williams ng 23 puntos habang ang rookie na si Trey Burke ay tumira ng jumper may 24 segundo ang nalalabi sa laro para ihatid ang Utah Jazz sa 94-89 pagwawagi sa Miami Heat sa kanilang NBA game kahapon.
Naghahabol sa 87-79 matapos ang dalawang 3-pointers ni Williams, gumamit ang Heat ng 10-4 run para dumikit sa dalawang puntos nang tumira si Ray Allen ng tres mula sa corner may 46 segundo ang natitira sa laro.
Si Burke, na nagtala ng 13 puntos, ay tumira naman ng clutch 19-foot jump shot bago sinelyuhan ni Gordon Hayward sa pamamagitan ng free throw ang panalo ng Jazz, na tinalo ang Heat sa kanilang homecourt ng tatlong sunod na beses.
Gumawa si Dwyane Wade ng 19 puntos para sa Heat, na sumablay sa kanilang huling apat na tira mula sa field para masayang ang kanilang paghahabol.
Si LeBron James ay tumira ng 4 of 13 mula sa field para umiskor ng 13 puntos, ang kanyang lowest scoring total magmula nang magtala ng 13 puntos sa kanilang 104-88 panalo laban sa Atlanta Hawks noong Nobyembre 19.
Suns 122, Warriors 109
Sa Phoenix, kinamada ni Goran Dragic ang 13 sa kanyang career-high 34 puntos sa huling pitong minuto para tulungan ang Phoenix Suns na tambakan ang kulang sa tao na Golden State Warriors.
Si Dragic, na nagtala rin ng 10 assists, ay nakaiskor ng 30 puntos sa ikaanim na pagkakataon ngayong season para sa Suns (30-20) na umangat ng kalahating laro sa Warriors (30-21) para sa sixth-best record sa Western Conference.
Si Gerald Green ay nagdagdag ng 25 puntos habang si P.J. Tucker ay nag-ambag ng 16 puntos at career-best 15 rebounds para sa Phoenix. Umiskor naman si Stephen Curry ng 28 puntos habang si Harrison Barnes ay nagdagdag ng 23 puntos para sa Warriors, na hindi nakasama ang frontline starters na sina Andrew Bogut at David Lee.
Grizzlies 79, Hawks 76
Sa Atlanta, umiskor si Zach Randolph ng 20 puntos para sa Memphis Grizzlies na nagtala ng NBA record na isang free throw attempt lamang sa laro at ipinagpatuloy ang pagwawagi sa road matapos talunin ang Atlanta Hawks.
Ang kaisa-isang free throw attempt ng Memphis ay isang record low magmula nang magkaroon ng shotclock noong 1954-55 season, ayon sa STATS.
Ang Cleveland Cavaliers (1994) at New Orleans Hornets (2004) ay nagsalo sa dating NBA record na dalawang free throw attempts.
Ang Hawks ay nagtala naman ng season scoring low matapos makalamang sa 29-27 pagkatapos ng unang yugto. Ang Atlanta ay nalimita sa pinagsamang 25 puntos sa ikalawa at ikatlong yugto.
Gumawa naman si Paul Millsap ng 20 puntos at 11 rebounds para sa Atlanta, na natalo ng tatlong sunod na laro. Winakasan naman ng Grizzlies ang kanilang two-game skid.
Sumablay naman si Atlanta guard Lou Williams sa kanyang 3-pointer may isang segundo ang nalalabi sa laro para maitakas ng Memphis ang panalo.
( Photo credit to INS )
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.