Mini skirt pag humaharap sa media, ganon?
DA who itong lokal na opisyal na laging umeeskapo kapag may kaguluhan nang nangyayari sa kanyang paligid?
Nitong Biyernes, pinangunahan ng opisyal ang pagdiriwang ng Chinese New Year sa kanyang nasasakupan. Iba’t-ibang aktibidad ang isinagawa ng lokal na pamahalaan at isa na rito ang pamimigay ng 6,000 tikoy sa mga residente.
Ang siste, pinagkaguluhan ng mga residente ang tikoy na pinamimigay.
Nabigo naman ang mga pulis na makontrol ang mga tao dahil sa pagnanais na makakuha ng tikoy.
Ang ending, may mga naapak-apakang tikoy at may ilan na nasaktan dahil sa pangyayari. May matanda pang nasira ang salamin sa mata dahil sa pakikipag-agawan ng tikoy.
Nang mangyari naman ang kaguluhan, hindi na makita ang opisyal.
Hindi ito ang unang pagkakataon na umiwas ang opisyal sa kaguluhan.
Noong nakaraang Pista ng Nazareno, dumalo rin ang nasabing opisyal sa misa sa Quirino Grandstand. Nang nagsimula nang magkagulo ang mga deboto para makalapit sa Poon, kapansin-pansin na bigla na lamang itong nawala sa kanyang upuan.
Ayos ka Sir! Ang galing mong umiwas sa gulo.
Taliwas ito sa mga nakapanood sa iyo noon. Sana sa susunod na taon, kung balak mong magpamigay ng tikoy sa mga tao, gawin itong mas organisado nang wala namang masaktan.
Hindi na ninyo kailangan pa ng clue? Dahil gets na gets na ninyo siya.
Usap-usapan naman ang mga staff ng isang ahensiya ng gobyerno na agaw-pansin nang magsagawa ng briefing sa Malacañang.
Paano ba naman puro nakasuot ng mini-skirt ang mga ito nang humarap sa media.
Nagkataon namang nakaupo sila sa likuran ng mga opisyal na nagsagawa ng press conference kayat kitang-kita sila sa harapan.
Tanong tuloy ng mga miyembro ng media at maging ng isang opisyal ng Palasyo kung kailangan bang naka-mini skirt habang humaharap sa camera.
Sobrang iiksi kasi ng mga suot at hindi rin angkop sa kanilang ahensiyang kinabibilangan.
Komento pa ng mga nakakita, mini skirt din kaya ang suot ng mga staff kapag humaharap sa grupo kung saan nakikipag-usap ang pamahalaan.
Bukod sa isyu ng pambubugbog sa komedyante at host na si Vhong Navarro, laging laman ngayon ng media ang ahensiyang kinabibilangan ng mga staff dahil sa kaganapan sa kanilang pakikipag-usap sa isang grupo. Tiyak ko namang alam n’yo naman ang tinutukoy ko.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.