Mga Laro Ngayon
(Araneta Coliseum)
3:30 p.m. Meralco vs Petron Blaze
5:45 p.m. Air21 vs
Rain or Shine
NAPIGILAN ng Barangay Ginebra San Miguel Kings ang huling arangkada ng Globalport Batang Pier tungo sa pagtala ng 108-92 pagwawagi sa kanilang PLDT myDSL PBA Philippine Cup kahapon sa Smart Araneta Coliseum sa Quezon City.
Si Gregory Slaughter, na tinanghal na Best Player of the Game, ang namuno para sa Gin Kings sa itinalang career-high 23 puntos.
Bunga ng panalo ang Barangay Ginebra ay umangat sa 11-2 karta at kumubra ng twice-to-beat bentahe sa quarterfinals.
Ang Globalport ay nahulog naman sa 5-9 kartada.
Samantala, puntirya ng Rain or Shine Elasto Painters na pantayan ang pinakamahabang winning streak ng season at masikwat ang twice-to-beat advantage sa quarterfinals sa pagtutuos nila ng Air21 Express mamayang alas-5:45 ng hapon sa Smart Araneta Coliseum.
Sa unang laro sa ganap na alas-3:30 ng hapon ay magkikita naman ang Petron Blaze Boosters at Meralco Bolts. Ang Elasto Painters ay nasa ikalawang puwesto sa kartang 10-3 matapos ang anim na sunod na panalo.
Naungusan nila ang Meralco, 89-86, sa kanilang huling laro sa likod ng kabayanihan ni JR Quinahan na gumawa ng last second triple.
Ang Air21 ay nangungulelat at may tatlong panalo lang sa 13 laro. Ang Express ang tanging koponang nalaglag na sa labanan.
“That makes Air 21 deadly. We can’t afford to take them (Express) lightly,” ani Rain or Shine coach Joseller “Yeng” Guiao.
Ang Elasto Painters ay pinamumunuan nina Gabe Norwood, Jeff Chan, Paul Lee, Beau Belga at Ryan Araña. Pambato naman ng Air21 sina Paul Asi Taulava, Mark Cardona, Joseph Yeo, Vic Manuel at Niño Canaleta.
Kung ma-upset ng Air21 ang Rain or Shine at manalo ang Petron sa Meralco ay magtatabla ang Elasto Painters at Boosters sa 10-4 at magkakaroon ng playoff para sa ikalawang puwesto at twice-to-beatna insentibo sa pagitan nilang dalawa sa Lunes.
Ang Petron Blaze ay galing sa 113-92 pagkatalo sa San Mig Coffee noong Miyerkules. Nakabalik na nga sa active duty si June Mar Fajardo para sa Petron subalit iniinda pa rin niya ang kanyang tuhod kung kaya’t hindi pa rin siya kasing dominante ng dati.
Katuwang ni Fajardo sina Arwind Santos, Alex Cabagnot, Chris Lutz at Marcio Lassiter. Ito naman ang unangpagkakataong makakaharap ng two-time Most Valuable Player na si Danilo Ildefonso ang kanyang dating koponan.
Matapos na ilaglag ng Petron, si Ildefonso ay pinapirma ng kontrata ng Meralco. Makakatulong ni Ildefonso sina Gary David, Jared Dillinger, Cliff Hodge, Reynell Hugnatan at John Wilson.
Sa kanilang unang pagkikita sa Dipolog City noong Disyembre 14 ay naungusan ng Petron Blaze ang Meralco, 77-73.
( Photo crdit to PBA Images )
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.