NAKATANGGAP ng tawag ang bantay OCW mula sa Athens, Greece,. Isang OFW na nagngangalang Marilyn ang humingi sa atin ng tulong para sa pamangkin na nasa Saudi Arabia.
Labis na nag-aalala si Marilyn para sa pamangking si Irene, na isang household service worker sa Al Rass, Qassim, Kingdom of Saudi Arabia.
Disyembre 15, 2013 nang magsimula itong magtrabaho.
Kwento niya, pagkaapak pa lang ng OFW sa bahay ng employer, kaagad na itong ipinasok sa isang kwarto (hindi naman naka-kandado). Doon inutusan siyang huwag lalabas sa loob ng apat na araw.
Ang masaklap, sa apat na araw na iyon ay dalawang beses lamang siyang pinakain.
Isinalaysay naman ng mister nitong si Mario na nagtungo sa ating programa sa Inquirer Radio, hawak na ang kanyang misis ng ikatlong employer.
Oo, isang buwan pa lang siyang naandon sa Saudi ay nakatatlong employer na ang ating kabayan.
Isa pang kaanak ni Irene, si Lejani, ang nagpatotoo sa masamang sinapit nito.
Ayon kay Lejani, nakipag-ugnayan na rin sila sa recruitment agency ng OFW.
Ang tanging depensa lang ng ahensya, pinag-training lang umano siya sa unang employer kaya hawak na siya ngayon ng ibang employer.
Anong training kaya ang tinutukoy ng ahensyang ito? Pagsasanay kung paano magutom sa ibang-bansa o di-kaya’y training habang labis na pinagtatrabaho nang walang sahod roon?
Nagtungo na sina Mario at Lejani sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA) upang ireklamo ang ahensyang nagpaalis kay Irene.
Ayon sa Repatriation Division ng POEA, may pananagutan ang lokal na ahensyang Raysa International Smart Employment Services (dating Rises) Corporation. Kaya kailangan umano nilang aksyunan ang mga reklamong ito o pauwiin ang si Irene sa loob ng 15 araw, kung hindi nila ito magagawa, maaring masuspinde ang kanilang lisensya.
Nakausap rin si Labor Attache David Des Dicang ng Philippine Overseas Labor Office (Eastern Region Operations) hinggil sa kasong ito.
Siniguro ni Labatt Dicang na kaagad nilang aaksyunan ang kasong ito ni Irene at makikipag-ugnayan mismo siya sa ating mga opsiyal ng Embahada sa Riyadh.
Ngayon ay naghihintay na lang tayo sa update sa kaso ni Irene. Naghihintay na lang tayo na mabilis na mapapauwi si Irene dahil hindi na nasunod ang kaniyang kontrata sa abroad.
Nakikipagtulungan rin sa kasong ito si Labor Attaché Rustico Dela Fuente sa Riyadh.
Isa si Irene sa daan-daang mga OFWs na may kasong hindi nasusunod ang kontratang kanilang pinirmahan.
Nang ipakita ng mga kaanak ni Irene ang kopya ng kaniyang kontrata – andon ang mga probisyon para sa oras ng pagtatrabaho at pamamahinga, halaga ng kaniyang sahod at maging ang employer na pagsisilbihan nito. Lahat ng iyon ay hindi nasunod.
Bagaman hawak ng unang employer ang pasaporte ng OFW, itinago naman ang kanyang cellphone ng kanyang ikatlong employer para nga naman hindi ito makahingi ng tulong sa mga kababayan.
Sa umpisa’y natatakot ang mga kapamilya ni Irene na magsumbong dahil baka mas pag-initan pa raw siya ng employer.
Ipinaliwanag natin sa kanila na dapat ay mas malakas ang loob nila kaysa sa Bantay OCW, dahil buhay at kaligtasan ng kanilang kamag-anak ang nasasangkot dito.
Mabuti naman at naglakas loob na rin sila.
Handa at patuloy pa ring tutulong ang inyong Bantay OCW sa sinumang magtitiwala at lalapit sa programa.
May kaanak ka bang OFW na naaabuso sa ibang bansa? Isumbong na ito sa Bantay OCW. I-text ang OCW, pangalan, edad, lugar at mensahe sa 09999858606 o 09277613906.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.