Willie nagpatalo ng P300-M sa sugal?
Kung ano-anong bersyon na ng kuwento ang naglalabasan ngayon tungkol sa diumano’y pagkalulong sa casino ni Willie Revillame. At dahil isa siyang sikat na personalidad, kadalasan ay nadadagdagan ang mga kuwento, ang bulate lang ay nagiging malaking ahas na kapag nagpalipat-lipat ng bibig.
Wala namang itinatago ang aktor-TV host, totoong nagpupunta siya sa casino, totoong nagdidibersiyon siya pero alam niya naman ang disiplina sa paglalaro.
Alam ni Willie ang katotohanan na kahit isang sako pa ang biyayang hawak niya, kahit pakutsa-kutsara lang ang pagkuha niya sa laman nu’n, darating ang isang umaga na wala na palang laman ang sako dahil hindi naman ‘yun napapalitan.
Nitong huli ay sobra na ang kuwentong lumabas. Kesyo hindi raw siya pinaalis sa casino dahil umabot na sa tatlong daang milyon ang utang niya sa sobrang pagkatalo.
Hinold daw siya du’n nang dalawang araw, pinauwi lang siya nang mabayaran na niya ang milyong halagang inutang niya sa financier, nakakalungkot ang ganu’ng balita.
Siyempre’y walang ganu’ng nangyari, hindi totoong nagpatalo siya nang tatlong daang milyon, kaya paano siya hindi pauuwiin ng financier?
Isa lang ang nasabi ni Willie, “Ano ba namang mga kuwento ‘yun? Sobrang magtahi ng imahinasyon ang mga taong ‘yun! Dibersiyon lang, naging bisyo na. Libo lang, naging milyon-milyon na?” napapailing niyang pahayag.
Ang negatibong kuwento tungkol sa kanya, kapag tinilad-tilad mo, ay meron pa ring bungang positibo. Ibig lang sabihin nu’n ay nasa gitna pa rin ng laban si Willie Revillame, isang malaking pangalan pa rin siyang pang-headline, hindi pa siya nawawalan ng ningning.
“Ganu’n ba ‘yun? Pero sumosobra naman ang mga kuwento, hindi naman totoo, pero inilalabas, ipinamamalita pa?” hindi pa rin makapaniwalang sabi ni Willie Revillame.
( Photo credit to E Santiago )
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.