DI sapat ang pag-asa para makamit ang katahimikan sa maliit na bahagi ng Mindanao na pinaghaharian ng rebeldeng Muslim, na ngayon ay mas malaki pa sa Pilipinas dahil sa patraydor na pamamaslang sa 19 na sundalo ng Army. Pero, sa pag-asa nabubuhay ang gobyerno ng Ikalawang Aquino.
“The peace process is sustained by hope,” ani Teresita Quintos Deles, presidential adviser sa Peace Process.
Kalakip ng pag-asa ay ang bukas.
Pero, sa mga nangyayari, malabo na nga ang pag-asa dahil traydor ang kausap at di tumutupad sa pinag-usapan, o maliguy dahil sa tuwi-tuwina ay may bagong salita na ngayon lamang naririnig, at mahirap pang ipaliwanag sa pitong lasing dahil mas malabo pa ito sa sabaw ng pusit.
Para sa mga naulila ng patraydor na pamamaslang at sa mga sugatang sundalo at kapwa mandirigma ng republika, walang pag-asa dahil walang nakikitang aksyon at sinseridad sa panig ng gobyernong mas kinampihan pa ang kalaban.
Mas lalong di maisip ng karaniwang kawal ang katuwiran kung bakit binigyan ng P5 milyon ang kalaban. Ang tanging nasa isip ng mababang kawal ay kapag binigyan ng pera ang kalaban ay kakampi na ito.
At yan nga ang nangyayari. Kapag mababa, kawawa.
Ang masakit ay klasipikado bilang Peace Process ang magandang pakikitungo sa kalaban. Panahon pa ng Unang Aquino ay may Peace Process na. Sa ilalim ng Peace Process ng iniluklok na presidente, inambus ng NPA at rebeldeng Moro ang mga kawal.
Binihag ang mga kawal sa Mamala, Sariaya at ginamit itong propaganda nang palayain, at nagmukhang mahina ang Unang Aquino.
Sa Peace Process sa panahon ni Fidel Ramos, di marami ang nalagas dahil nasa likod ng pangulo ang mga mandirigma sa Mindanao. Sa panahon ni Joseph Estrada, ibinasura ang Peace Process dahil sa katrayduran ng rebeldeng Muslim.
Sa panahon ni Gloria Arroyo, sa kanyang bersyon ng Peace Process, muntik nang iniregalo ang mga lupaing ancestral domain.
Ngayon, ang Peace Process ay tigib ng sablay, kabilang ang pamimigay ng pera. Ginawang insulto ang Peace Process nang kampihan ang kalaban at sibakin ang mga opisyal ng militar na nasa gera’t lumalaban kahit kakarampot ang perang ibinibigay ng gobyerno.
Hindi makalulusot sa Deles sa mga kapalpakang ito. At tinawag pa niya ito na mga pagsubok. Mula sa mga pagsubok ay may mga hamon daw para makamit ang katahimikan.
Palamuting salita, para sa mababang kawal. Hindi masasalag ang bala ng kaaway ng palamuting salita.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.