Gretchen, Claudine kailangan na ng milagro; mga magulang mas pinaapoy pa ang laban | Bandera

Gretchen, Claudine kailangan na ng milagro; mga magulang mas pinaapoy pa ang laban

Cristy Fermin - December 24, 2013 - 03:00 AM


SA ngalan ng Kapaskuhan ay hindi muna kami magbibigay ng blind item, mas ibibigay namin ang espasyo sa mga hiling na gusto naming mapasakamay ng mga personalidad ngayong Pasko, tutal naman ay pagbibigayan ang tunay na kahulugan ng selebrasyong ito.

Una ay magkaroon na sana ng kapayapaan sa pamilya Barretto. Sa buong taon ay puro paghihimagsik laban sa isa’t isa ang natunghayan natin sa pagitan nina Gretchen at Claudine Barretto, kung makapagpukulan sila nang masasakit na salita ay para bang walang anumang dugong nag-uugnay sa kanila, parang magkaibang sinapupunan ang kanilang pinagmulan.

Hindi lang nakakahiya ang ganu’ng senaryo, nakapanghihinayang at nakalulungkot ang dapat na paglalarawan sa mga nangyayari sa pamilyang ito, mas matatanggap natin kung ibang tao ang kanilang kalaban at hindi ang mismong kapamilya nila.

Nag-ugat ang awayang ito sa pagitan ng magkapatid sa matinding gusot na nangyari sa pagitan ng mag-asawang Raymart Santiago at Claudine, sa kanila nagsimula ang pagbabatuhan ng putik, nadagdag na lang sa laban nila sina Gretchen, Marjorie at Jay-Jay.

Mula nu’n ay nagkaroon na ng rambol, mag-isa lang si Claudine, pero parang ang nangyari ay pinagtulung-tulungan ito ng kanyang mga kapatid, lumaki na nang lumaki ang away hanggang sa magkasakitan na nang husto ang mag-uutol na Barretto.

Pagkatapos makisali sa gulo ng sopistikadang si Gretchen at ng patagilid lang kung lumaban na si Marjorie ay umeksena naman ang kanilang mga magulang. Kumampi sina Daddy Mike at Mommy Inday sa kanilang bunsong si Claudine.

Du’n na mas umapoy ang labanan, lumalabas na kunsintidor ang kanilang mga magulang, pinalalaki raw ng mag-asawa ang ulo ng kanilang bunso, kaya walang leksiyong natututuhan sa buhay ang aktres.

Kung maraming nagulantang sa pagbabatuhan ng rebelasyon ng magkakapatid ay kinilabutan naman ang ating mga kababayan dahil sa pagsuwag ni Gretchen kina Daddy Mike at Mommy Inday.

Sabi nga ng isang kaibigan naming propesor ay ngayon pa lang ito nakakita ng sikat na personalidad na ganu’n kalantaran kung makipag-away sa kanyang mga magulang.

Na totoo naman, dahil sa tagal na rin namin sa mundo ng lokal na aliwan ay mangilan-ngilan lang ang mga artistang may kaalitang kadugo, pero ibang klase ang pakikipag-away ni Gretchen sa kanyang ama’t ina.

Parang milagro na ang kailangan para maiayos ang kanilang gulo, habang tumatagal kasi ay lalo pang lumalala ang kanilang away, nakakalungkot ang nagaganap sa pamilyang ito.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

( Photo credit to Google )

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending