HABANG lumalapit ang pagtatapos ng 27th Southeast Asian Games ay patuloy pa rin ang pag-ani ng gintong medalya ng pambansang manlalaro para tumibay pa ang paghahangad na tumapos sa ikaanim na puwesto sa Naypyitaw, Myanmar.
Ibinigay ng 4x400m relay team ang ikaanim at huling ginto mula sa athletics team habang kuminang ang unang salang sa SEA Games nina taekwondo jin Jade Zafra at BMX rider Fil-Am Daniel Caluag at ang Pilipinas ay nanalo pa ng tatlong ginto kahapon.
Mayroon ng 23 ginto ang Pilipinas bukod sa 27 pilak at 30 tansong medalya upang tapyasan na lamang sa dalawang ginto ang lamang ng nasa ikaanim na puwesto na Singapore (25-24-32).
Sina Isidro del Prado Jr., Edgardo Alejan, Julius Nierras at Archand Christian Bagsit ang nagtulung-tulong para maisantabi ang matibay na laban ng Thailand sa tatlong minuto at 9.32 segundong tiyempo laban sa 3:09.81 na ginawa ng Thailand.
May apat na pilak at tatlong tanso pa ang athletics para lumabas bilang pinakaproduktibo sa ipinadalang NSA sa kompetisyon.
Hindi naman natinag si Zafra nang harapin ang nagdedepensang kampeon na si Worapong Pongpanit ng Thailand nang durugin niya ito, 7-1, sa finals ng women’s 53-57 kilograms.
Ito ang unang ginto ng Pilipinas sa sparring matapos mabigo sina Christian Dela Cruz (men’s U-80kg) at Gershon Bautista (men’s U-68kg) na nakontento sa pilak at tanso.
Pinangatawanan naman ni Caluag ang pagiging pinakamahusay sa BMX rider sa Asya nang kunin ang 350-metro karera sa bilis na 31.994 segundo.
Si Caluag ang natatanging Asian rider na nakapasok sa BMX sa London Olympics noong 2012 para maging paborito sa karera.
One-two pagtatapos ang kinuha ng Pilipinas sa nasabing event dahil ang nakababatang kapatid ni Caluag na si Chris ang pumangalawa sa 32.555 segundo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.