Kiko palaban kay Robin: Hindi uubra pambu-bully at pasiga-siga sa ‘kin!

HINDI nagpasindak si Sen. Kiko Pangilinan sa pagbabanta ni Sen. Robin Padilla na sasampahan siya ng ethics complaint.
Ito’y kaugnay ng mainit nilang pagtatalo sa plenaryo ng Senado kahapon, May 12, na nag-ugat sa kasong kinasasangkutan ng kapwa nila senador na si Bato dela Rosa.
Matapang na sinabi ni Pangilinan na hindi niya uurungan ang banta ni Padilla laban sa kanya at hindi raw uubra sa kanya ang pambu-bully at pasiga-siga na asal sa Senado.
Matagal na raw siyang nanunungkulan sa Senado pero ngayon lang siya nakarinig ng ethics complaint dahil sa pagtataas ng boses sa debate.
Hindi naman daw talaga maiiwasan ang maiinit na pagtatalo o argumento sa plenaryo lalo na kapag kontrobersyal at sensitibo ang isyu.
Naniniwala si Sen. Kiko na walang legal na basehan ang bantang reklamo ni Padilla laban sa kanya.
“Huwag maging balat sibuyas. Walang legal na basehan at walang kuwenta ang ethics case complaint na ‘yan,” ani Pangilinan.
“Kung sakali man, sasagutin ko ng kontra-reklamo sa Ethics Committee sa kanyang paglabag sa parliamentary rules at pagiging out of order at sa kawalan ng proper decorum, ang pagbabanta sa akin, pananakot at paninindak sa akin sa plenary session kanina habang naka recess.
“Hindi uubra ang pambu-bully at pasiga-siga sa akin. Mas may basehang kasuhan yang pasiga-siga, pambabastos at ang kawalan ng proper decorum sa kapwa senador sa Senado. Lahat on record,” aniya pa.
Pero ipinagdiinan ni Pangilinan na wala siyang intensiyong makipag-away pero ipagtatanggol niya ang sarili sa walang basehang kaso.
“Ayaw ko ng away. Hindi ako palaaway pero hindi ko aatrasan ang sinuman kung ang gusto ay ganitong walang kwentang kasuhan,” saad ni Pangilinan.
Matatandaang nabanggit ni Padilla ang mabilis at makataong pagresponde ng Commission on Human Rights (CHR) sa inabot ni Sen. Bato matapos muling magpakita sa Senado at makipaghabulan sa mga nagtangkang umaresto sa kanya.
Nagtangkang isilbi ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation (NBI) kay Bato ang warrant of arrest ng International Criminal Court (ICC) sa kasong crimes against humanity bilang umano’y co-perpetrator ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ngunit nag-point of order si Sen. Kiko sa sesyon at nag-suggest na ipagpaliban muna ang pagtalakay sa kaso ni Sen. Bato para tutukan ang iba pang mahahalagang usapin.
Umalma naman si Padilla sa sinabi ni Pangilinan pero agad siyang sinopla ng mister ni Megastar Sharon Cuneta dahil nagsasalita pa siya.
“I still have the floor! And for the record Mr. President, we voted against Resolution No. 44, so to say that we have this resolution yes, but there are senators who voted against it, and therefore it is not necessarily our agreement with the points being raised by the good senator from Camarines Norte,” ang pahayag ni Sen. Kiko.
Nagreklamo naman si Padilla sa umano’y paninigaw sa kanya ni Sen. Kiko.
Kasunod nito, sinuspinde ni Senate President Alan Peter Cayetano ang sesyon dahil sa nangyaring tensyon sa pagitan ng dalawang senador.
Sa isang video naman na kumalat sa social media, makikita ang pagtangka ni Pangilinan na lapitan at kamayan si Padilla pero dinedma lang siya ng action star.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.
