KALUNUS-lunos ang sinapit ng mga binaha sa Central Luzon, lalo na sa Bulacan at Pampanga. Nakagawian na ng nakalipas na mga presidente ang dumadalaw sa nagdadalamhating mga kababayan, lalo na ang namatayan at nawalan ng bahay.
Madaling patunayan ito dahil laman sila ng mga pahayagan kinabukasan: delantar na mga retrato at balita o istorya ng pakikidalamhati na personal na ipinaabot sa mga nananangis, nangugutom at giniginaw.
Kunsabagay, may mga trahedya ring dumalaw noong panahon ng Unang Aquino. At nagpatuloy ito sa panahon ng Ikalawang Aquino.
Simula sa trahedya sa Luneta hanggang sa trahedya ng baha sa Cotabato City, na dinalaw naman ni P-Noy (pero nabahiran ng kontrobersya ang pagdalaw ng Ikalawang Aquino dahil nang tanungin siya kung anong hakbang ang gagawin ay wala siyang naisagot at sinabing wala pa siyang isang taon sa panunungkulan bilang punong ehekutibo). Habang lumalalim ang baha sa Calumpit, Bulacan noong
Sabado ng hapon ay sinagot ng mga opisyal na malapit kay Aquino, na nagpahayag na siya ng pakikidalamhati sa sinapit ng mga binaha, pero wala siya roon sa tinuluan ng luha. At di na raw kailangan ang pagtungo ng pangulo sa pook ng dusa.
Nasaan ang smugglers?
ILANG linggo nang nanunungkulan ang bagong mga opisyal sa aduana pero di pa natutukoy ang mga sangkot at utak ng paglaho ng mahigit 3,000 container vans.
Ang paglaho ng mga container vans ang isa sa naging sanhi para sibakin ang dating pinuno, na tila nagtrabaho sa kanyang huling mga araw, pero hindi na rin maihahabol sa tambol mayor at mababago ang pasya ng inampalan.
Madamdamin ang pumalit sa mga inalis dahil isa sa kanila ay pursigidong patayin noon ang Unang Aquino, ang ina ng Ikalawang Aquino. Sa pagkakaluklok sa aduana ay biniyayaan pa ang may misyong pumatay.
Masuwerte ang bagong mga opisyal dahil natabunan ng balitang bagyo’t baha ang kanilang ipinangako: ang habulin at kasuhan ang mga smuggler ng container vans. Pero, may nasagap na balita ang mga kongresista’t mamamahayag.
May sangkot na matataas na opisyal na kaalyado ng Ikalawang Aquino sa smuggling at isa sa kanila ay mismong mambabatas.
Kung hindi matutukoy ang mga smugglers dahil malalapit sila sa kapangyarihan, permanente na ang tanong: nasaan?
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.