Iyong delicadeza po kasi ay indibiduwal na desisyon. —Herminio Coloma, pinuno ng Presidential Communications Operations Office, Malacanang
SA ikalawang bugso ng mga kasong katiwalian na isinampa ng administrasyon ng tuwid na daan ng Ikalawang Aquino, tampok, na naman (at paulit-ulit dahil sa kanyang bugok na pamumuno sa Bureau of Customs) ang pangalang Rozzano Rufino Biazon. Noong bali-balita pa lamang na hihirangin siyang customs commissioner ay alumpihit si Biazon, at napakarami pang iba, dahil wala itong karanasan sa kuwenta’t taripa. Pero, kapuri-puri nga naman ang pagkatiwalaan ng anak nina Ninoy at Cory. Pambihira ito noon, na hindi pa nasusubukan kung paano magtrabaho ang bugtong na lalaki’t soltero. Ang apelyidong Biazon noon ay itinuturing na busilak sa kalinisan at walang bahid ng putik. At hindi pa raw napuputikan sa Kamara de Representantes, noon.
Ikinagulat ni Muntinlupa Rep. Rodolfo Biazon ang pagkakasama ng anak sa mga kinasuhan ng Department of Justice kaugnay ng pork barrel scam. Malaki ang tiwala ni Rep. Biazon na malulusutan ng anak ang kaso. Pero, iginiit ng ama na ang dapat magpaliwanag ay ang mga implementing agencies na siyang nagpalabas ng pondo ng gobyerno, na dumaloy sa mga bogus na non-government organization, na mismong mga katuwiran at depensa nina Jinggoy Estrada at Bong Revilla sa kanilang kasong plunder. Sa Kamara, hindi raw manghihimasok ang kapulungan sa isinampang mga reklamo sa mga dating kongresista kaugnay ng pork barrel scam. Tama si Speaker Feliciano Belmonte Jr., na labas na sa kanilang hurisdiksyon ang makialam sa pasya ng Department of Justice. Pero, hindi naniniwala ang arawang obrero, ang taumbayan dahil alam nila na iba ang lapat ng hustisya kapag kongresista ang kinasuhan, tulad ng marami nang kongresista na kinasuhan at nagtago na’t hindi man lang hinahanap. Alam ng arawang obrero, ng mahihirap, na iba ang hustisya sa nagdarahop at sa makapangyarihang mayayaman, lalo na ang mga nasa poder ng dilaw.
Nang isampa ang kaso, tumangging magkomento ang Palasyo nang mapasama si Biazon, ayon kay deputy presidential spokesperson Abigail Valte. Pagkalipas ng ilang oras, sinabi ni Coloma na nakatakdang kausapin ni Aquino si Biazon bunsod ng kaso. Pag-uusapan nina Aquino at Biazon ang kaso? Iaatras ba ang kaso pagkatapos ng pag-uusap ng dalawa at sasabihing, ‘sensiya na, nagkamali ang NBI? Naykupu, kinakabahan ang arawang obrero sa magiging resulta ng pag-uusap. Ngayong may reklamo na kay Biazon ay lumutang na naman ang salitang delicadeza. May binanggit si Coloma hinggil sa desisyong delicadeza pero tinuran niya ang sinabi ni Justice Secretary Leila de Lima, na nagsabing hindi pa kailangang “magbakasyon” ni Biazon mula sa kanyang puwesto bunsod ng kaso dahil hindi pa nirerebisa ng Ombudsman ito. Naykupu, baka iatras pa ang kaso laban kay Biazon, at sabihing, ‘sensiya na, nagkamali lang.
Napakasuwerte ni Biazon. Pagkatapos na paringgan sa State of the Nation Address na “humuhugot ng kapal ng mukha” sa pananatili sa Bureau of Customs sa kabila ng talamak na nakawan at smuggling ay nariyan pa rin siya at naka-epoxy, ‘ika nga. Bilyones ang kakulangan ni Biazon sa koleksyon sa Aduana, at tila siya nga ang orihinal na Boy Sisi dahil ang dami niyang sinisisi kapag hindi nakaaabot sa quota at mas mababa pa sa akala ang koleksyon, gayung bumabaha ng smuggled goods ang Divisoria at mga palengke (sibuyas, karneng manok at baboy, atbp., hanggang sa maghirap at magutom na nga ang mga magsasaka). Si Biazon na nga ang pinakabugok na commissioner ng customs dahil tinalo pa niya sa kahinaan ang lahat ng naging customs commissioner ng nakalipas na mga pangulo. Nang mabugbog sa SONA, sinisi ni Biazon ang mga “untouchable” na iniluklok ng kung sinu-sinong tarpulano sa Malacanang, na hindi raw niya magalaw dahil direktang tumatawag sa mga tarpulano sa Palasyo. Wow. Iyan ang bata ni Aquino. Ganyan kagaling pumili ng mga tauhan si Aquino. Talaga ngang magdarahop ang bayan.
Napakasuwerte talaga ni Biazon. Simula nang bugbugin sa SONAng iyon, ay dumaan ang napakaraming malalaking balita at natabunan ang kabulukan at kabugokan sa Customs. Mantaking parang trapal sa kapal ang tumabon sa masangsang na Bureau of Customs, tulad ng Yolanda’t iba pang bagyo, mga lindol sa Negros, Bohol at Cebu, Napoles, PDAF, DAP at huwag nang isama ang telenobelang Corona impeachment. Talaga namang napakasuwerte.
Manatili kaya ang pagtitiwala ni Aquino kay Biazon? Sana naman ay tapusin nan i Aquino ang tiwalang iyan dahil isinasangkot na naman si Biazon sa panibagong nga katiwalian. Pagkatapos ng mahigit tatlong taon panunungkulan, kilala si Aquino na mapagkanlong ng bugok na mga opisyal, tulad ng nahuling bumibili ng bunton ng pirating DVD, na una nang nasangkot sa kontrobersiya ng AK-47 (nasaan na nga pala ang baril na iyan?); ang hanggang ngayon ay kawalan ng bagong plaka ng sasakyan at mga sticker; ang nahuling nagka-casino na matagal din naman bago pinakiusapang magretiro na lang, atbp.
Sa nalalabing mga taon bago sumapit ang 2016, may panahon pa si Aquino na magbago at maghigpit at gumamit ng sinturon sa kanyang mga opisyal at pinagkakautangan ng loob.
Kung maghihigpit nga siya, at di lumabas na konsentidor pa.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.