Maningning at malinamnam ang pagtatapos ng ikatlong taon ng Tabu-an, ang Western Visayas Ilonggo Heritage Cooking Competition and Food Fair, na ginanap noong Nobyembre 22-24 sa Amigo Terraces Hotel sa Iloilo City.
Ang nasabing festival ay inorganisa ni Chef Rafael Jardeleza II o Chef Tibong. Ayon kay Chef Tibong, ang pagkain ng mga Ilonggo ng Kanlurang Visayas, na binubuo ng mga lalawigan ng Aklan, Antique, Negros Occidental, Capiz, Guimaras at Iloilo, ay hindi lamang nakakahon sa La Paz Patchoy, Pancit Molo, Inasal at Puto Manapla.
Ito ang naging inspirasyon niya upang itatag ang nasabing cooking competition at food fair. Ang konsepto ng Tabu-an, na ang ibig sabihin ay “pagtitipon-tipon”, ay bahagi ng adbokasya ni Chef Tibong na paunlarin at palaganapin ang katutubong pagkain at lutuin ng mga Ilonggo, lalung-lalo na ang pagkain ng lunsod ng Iloilo.
Bahagi rin ng Tabu-an ang mga food tours at cooking demo na kung saan dinadala ni Chef Tibong ang mga bisita sa mga pamilihang-bayan at mga tradisyonal na lugar ng kainan sa lunsod upang ito ay magpatuloy na yumabong at hindi mamatay tulad ng iba nating tradisyonal na pagkain.
Marami nang mga balikbayan at mga bisita mula sa Maynila at ibang bayan ang nabusog sa mga inorganisang Tabu-an concept tours.
Ang unang araw ng festival ay ang paligsahan sa pagluluto ng dessert. Pitong delegado ang nagkipagtagisan sa pagluluto ng tradisyonal na panghimagas tulad ng suman, bukayo, at halaya.
May apat na oras silang ginugol sa paggawa ng minatamis. Tampok din sa araw na iyon ay ang cooking demo ng “Kusina Master” na si Chef Boy Logro. Ipinamalas niya ang pagluto ng Lengua con Setas at Pata Tim.
Naging special treat ito sa mga delegado dahil ang pagluluto niya ay may kahalong showmanship at pagpapatawa na kasama si Chef Tibong sa mga eksena.
Ang pangalawang araw ng paligsahan ay mas madugo at nakakapagod dahil kailangan magluto ng mga delegado ng appetizer at main course para sa 200 katao sa ilalim ng init ng araw!
Hindi matatawaran ang lupon ng inamplan, na binubuo nina Chef Boy Logro; Michaela Fenix, batikang food writer at editor; Felice Prudente Sta. Maria, cultural worker, at ang may akda ng Governor-General’s Kitchen; Dolly Dy-Zulueta, Editor ng Flavors Magazine; Rafael Zulueta, chief photographer ng Flavors Magazine; Vangie Vaga Reyes, chief reporter, Lifestyle section ng Philippine Daily Inquirer; Stephanie Zubiri, chef, travel and food writer; Angelo Comsti, cookbook writer at ang may akda ng best-seller cookbook, From Our Table to Yours; Chef Myke Sarthou ng Chef Tatung’s Restaurant, at ang inyong lingkod.
Sa pagtatapos ng palighasan ay nagtalumpati ang progresibong mayor ng lunsod ng Iloilo na si Jed Patrick E. Mabilog. Aniya ay malaki ang papel na ginagampanan ng ganitong uri ng paligsahan dahil napatataas nito ang antas at kalidad ang mga kinagisnang lutuin at nalilinang ang kasanayan at kaalaman ng mga batang kusinero upang gumawa ng higit na masasarap na pagkain.
“Naniniwala ako na ang pagkain ay isa sa mga mahahalagang kasangkapan sa pagpapalago ng turismo hindi lamang sa aming lunsod, ngunit sa buong bansa.
Naniniwala ako na ang Iloilo at ang mga Ilonggo ay mayroong ‘culinary magnet’ upang magudyok sa mga turista para bumisita sa aming lugar,” dagdag pa niya.
Ang tagumpay ang Tabu-an ay maging batayan at pamantayan nawa ng iba pang food festival na isasagawa sa hinaharap.
Nagpapasalamat naman si Chef Tibong sa suporta ng pamunuan ng lunsod ng Iloilo, pamunuan ng lalawigan ng Iloilo, Department of Tourism Region VI Regional Office at Nissan Iloilo Jaro (S&J Motors, Inc.), Amigo Terraces Hotel, GMA, at Happy Kitchen.
Kung ang Pampanga ang Culinary Capital ng Pilipinas, ang Iloilo naman ang Food Haven. (Abangan ang mga natatanging recipes ng mga delegado sa susunod na Lunes dito sa Bandehado.)
Mga delegado:
Team 1- Colegio Del Sagrado Corazon De Jesus, Iloilo City: 1st Place, Best in Dessert; 2nd Place Best in Table Setting.
Team 2 – Hercor Culinary School, Roxas City: 2nd Place, Overall Champion; 1st Place, Best in Appetizer. 1st Place, Best in Main Course; at 3rd Place, Best in Table Setting.
Team 3 – KRYZ Culinary Arts and Restaurant Services, Inc. KCARSI, Kalibo, Aklan: 3rd Place, Best in Dessert.
Team 4 – University of St. La Salle, Bacolod City: 3rd Place Diners Choice Award; 3rd Place, Best in Appetizer; at 3rd Place, Best in Main Course.
Team 5 – Western Institute of Technology: Tabu-an Grand Champion; 2nd Place, Diners Choice Award; 2nd Place, Best In Appetizer; 2nd Place, Best in Main Course; 1st Place, Best in Table Setting.
Team 6 – Happy Kitchen Amigo Terrace Hotel, Iloilo City: 3rd Place, Over-All Championship
Team 7 – Barangay Nutrition Scholar, Sta. Barbara, Iloilo.
(Editor: May tanong, reaksyon o komento ka ba sa artikulong ito? May nais ba kayong ipasulat o ipatalakay sa Bandera? I-text ang pangalan, edad, lugar at mensahe sa 09178052374.)
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.