SUSUPORTAHAN ni Bishop Orlando Quevedo ang kandidatura ni boxing great Manny Pacquiao sa pagka-kongresista sa Sarangani. Talaga ha?
Dahil sa madasalin daw si Pacquiao at may takot sa Diyos, kaya
susuportahan ni Quevedo si Pacman. At kung gayon siya, magiging mabuting
kandidato si Pacquiao, sa paniwala ni Quevedo.
Pero, banal na obispo, hindi sumusuporta ng kandidato ang simbahan.
Kahit ang kandidatura ng suspendidong pari na si Ed Panlilio sa Pampanga
ay di sinuportahan ng simbahang Katolika, dahil bawal ito at mas lalong
ipinagbabawal ito ng Roma at Santo Papa.
Magulo ba?
Yan na nga ba ang sinasabi. Tunay na nakagugulo at mahirap ipaliwanag sa
pitong lasing ang pamumulitika ng mga pari, lalo pa’t kampanya sa
eleksyon ang pinag-uusapan.
Tunay na katakam-takam ang politika at kung ibig nang sumawsaw ng mga
pari, na kunwari’y nagpapasimple lang at ginagamit na naman ang pangalan
ng Diyos, ay umalis muna sila sa pagkapari at maging karaniwang tao.
Tulad ng ginawa ni Panlilio, para di na mangingiming mangilatis ang
taumbayan at di na maninimbang kung kabanalan ba o paglilingkod sa bayan
ang nais.
BANDERA Editorial, September 2, 2009
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.