Tropang Bandera: Cong namimili ng reporter | Bandera

Tropang Bandera: Cong namimili ng reporter

|September 02,2011
facebook
share this

Tropang Bandera: Cong namimili ng reporter

- September 02, 2011 - 01:51 PM

HINDI nararamdaman ni Cong ang paghihirap ng nakararami. Minsan pumunta sa Baguio City itong si Cong at nakita niya ang malawak na lupa.  Parang may bumbilyang umilaw sa utak ni Cong kung ano ang maaaring itayo sa lugar. Agad siyang nagtanong-tanong kung saan mahahanap ang may-ari ng lupa. At nang may nakausap ay tinanong kung magkano ang lupa. Ang hirit ng nakausap niya ay P30 milyon ang value. Walang kagatul-gatol na sumagot si Cong: “saan babayaran?” Talagang ipinamukha ni Cong na wala siyang problema sa pera. Hindi naman kasi talaga kuwestyon kay Cong ang pera dahil literal na nakahiga siya sa pera. Hindi katulad ng iba niyang kababayan na nakahiga sa malamig na sahig na semento na sinapinan ng karton o kung minsan ay sa lupa lang.

Kung sobra-sobra ang yaman ni Cong, matigas naman ang mukha ng isa niyang kasama sa Kamara. Ito kasing si Cong 2 ay feeling artista na. Nasa ikalawang termino si Cong at ngayon ay  hawak ang magandang posisyon sa Kamara. At dahil sa kanyang posisyon ay kailangan siya ng media sa mga interview. May kagandahan din kasi ang mga isyu na hawak ng kanyang komite kaya siya ay nabibigyan ng magandang exposure. Marahil sa dami ng tumatawag at nagte-text na reporter kay Cong 2,  namimili siya ng kakausaping reporter. Kung hindi ka kasali sa big 3 ng mga broadsheet o kaya ay top 3 TV station o radyo ay dedma ang mga text at tawag. Mamumuti ang mata ng reporter sa kahihintay ng sagot niya. Minsan ay nagkakuwentuhan itong si Cong 2 at ilan pang mga mambabatas. At ang pagmamayabang niya sa mga ito ay hinahabol siya ng media. Feeling artista na si Cong.  Feeling din niya marahil ay magiging senador siya dahil sikat na siya. Pero tumahimik na ang malalaking isyu na hawak ng kanyang komite kaya tigil din ang paghahabol ng mga reporter kay Cong. Siguro naman ngayon ay natauhan na si Cong 2. Dedma na ngayon ang mga reporter sa kanya. —Leifbilly Begas

***
MULA sa bayan (i-text sa 0917-8446769): Noong gabi ng May 26, 2011 ay nasunugan kami dito sa Lamitan, Basilan.  Pero, hanggang ngayon ay wala pang naipatatayong bahay si Mayor Orik Furigay.  Abandonado na kami.  May relocation na ibinibigay si mayor pero walang budget ang local government.  …4333

***
Sabi ni P-Noy, kung walang korap walang  mahirap.  Paano yan, mas lalong dumami ang mahihirap.  Kaya dumami na rin ang corruption. …9024

 ***

Pantustos lang ng bisyo ng mahihirap ang Conditional Cash Transfer, samantalang kaming obrero, pawisan at parating pagod sa katatrabaho.  Mga tamad yang mahihirap na yan. …6859

***
Kami po ay mga volunteers ng Friends of Noy @ Mar dito sa Valencia City, Bukidnon noong panahon ng kampanya.  Ang akala namin ay maipagagawa na ang mga provincial at barangay roads dito.  Mali ang aming akala.  Kaya mahirap ang buhay dito ay sira-sira ang mga pronvincial at barangay road.  Hindi naman kami tamad, pero walang mararating ang aming pagsisikap kung walang matinong kalsada. …3244

***
Ako po’y kawani sa Bureau of Customs sa South Harbor.  Napakarami po ng mga miyembro ng media rito.  Hindi po balita ang hanap nila dahil wala naman akong nababasang balita sa dyaryo araw-araw.  May isang mediaman na dumating dito 10 taon na ang nakararaan na mahirap lang siya.  Mayaman na siya ngayon.  Alam lahat ng kawani ng Customs kung bakit yumayaman ang mga mediamen dito. …1721.

***
MAY alam ka bang katiwalian sa isang sangay ng gobyerno?  Ikaw ba’y hiningan ng pera habang naglalakad ng papeles sa ahensiya ng gobyerno?  O may alam ka bang opisyal ng gobyerno na may ibinabahay na iba?  May reklamo ba kayo sa mga pulis?  May ibinabahay bang ibang pamilya ang pulis sa inyo?  Parati ba siyang galit sa pera?  O adik na ba siya?  Tulungan natin ang pamahalaan na linisin ang kanilang hanay.  Tulungan din nating mapigilan ang katiwalian sa gobyerno.  Sumulat sa Tropang Bandera, MRP Plaza bldg., Pasong Tirad corner Mola st., Makati City.  Lakipan lamang ng Bandera logo with date ang inyong liham.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

What's trending