Espionage, treason posibleng ikasa laban sa Infinitus PR agency, sey ni Tolentino

PHOTO: Facebook/Francis Tolentino
DAHIL sa sinasabing pagsasagawa ng “troll farm operations” laban sa PIlipinas, posibleng maharap sa mga kasong espionage at treason ang Infinitus Marketing Solutions Inc.
Ito ang sinabi ni Senate Majority Leader Francis “Tol” Tolentino matapos ang pagdinig ng pinamumunuan niyang Special Committee on Admiralty and Maritime Zones.
Sa pagdinig, inamin ni Paul Li, ang nagtatag ng Infinitus, na sila ay inupahan ng Chinese Embassy para sa public relations nito.
Diin ni Tolentino, napagtibay sa pagdinig ang pakikipagtulungan ng naturang ahensya sa isang banyagang gobyerno para pabagsakin ang sistema ng bansa.
Baka Bet Mo: TOL suportado ang pagpapalakas ng pwersa ng Philippine Navy sa West PH Sea
Dagdag pa nito, maaaring “espionage” naman ang kaharapin ng mga opisyal ng China na kasabwat sa mga operasyon ng Infinitus.
Nilinaw naman ni Tolentino na ang pagsasampa ng mga kaso ay ipinauubaya na niya sa mga kinauukulang ahensya ng gobyerno.
Ayon pa sa senador malinaw na nagsisinungaling o may mga itinatago si Li, ngunit hindi na niya ito ipina-contempt nang sabihin sa pagdinig na may kanser ang kanyang asawa.
Sinuspinde lamang ang pagdinig kaugnay sa umano’y pang-eespiya ng China sa Pilipinas.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.
