Claudine sa kaso ni Jojo Mendrez laban kay Mark: Wag pumayag na maabuso ka

Jojo Mendrez, Claudine Barretto at Mark Herras
“MAG-INGAT ka sa mga tao na pwede mag-abuse sa ’yo!” Iyan ang paalala ni Claudine Barretto sa kanyang kaibigan na si Jojo Mendrez.
Ipinaramdam ng aktres sa tinaguriang Revival King at Star Music artist ang kanyang pagmamahal at malasakit matapos mabalitaan ang pagsasampa nito ng kaso laban kay Mark Herras.
Nitong nagdaang araw, personal na nag-file si Jojo ng kasong grave threats laban kay Mark sa Quezon City Prosecutor’s Office kasama ang kanyang mga talent manager at ang aktor na si Rainier Castillo.
Pero hindi na nagbigay ng detalye si Jojo tungkol sa mga nangyari sa kanila ni Mark na nakatrabaho niya nang ilang beses sa kanyang music and recording career.
Bahala na raw ang korte na magdesisyon sa isinampa niyang reklamo laban sa Kapuso actor. Basta ang mahalaga sa kanya ay mabigyan ng hustisya ang nangyari sa kanya.
Nang makarating nga kay Claudine ang mga isyung kinasasangkutan ni Jojo ay nagbigay siya ng mensahe sa kanyang kaibigan sa pamamagitan ng isang video na in-upload ng entertainment writer na si Rodel Ocampo Fernando sa Facebook.
“I’ve been trying to call you and [reach out] to you. Narinig ko ‘yung balita sa Lanao at walang signal d’un. I’ve been trying to reach out to you dahil nalaman ko kung anong nangyayari. I just read about it, kapatid,” simulang pahayag ni Claudine.
Pinaalalahanan din ng aktres si Jojo na huwag matakot dahil napakaraming nagmamahal at sumusuporta sa kanya.
“Gusto ko lang malaman mo na nakausap ko ang mga kaibigan natin and alam ko na ang mga nangyari. And that, huwag kang matakot. Nandito lang ako. Ang daming nagmamahal sa ’yo.
“Hindi ko sasabihin sa ’yo I told you so dahil alam kong mabuti ang puso mo. Pero next time, mag-ingat ka sa mga tao na pwede mag-abuse sa ’yo at gusto ko lang malaman mo na kung nasasaktan ka ngayon, nasasaktan din ako,” aniya pa.
Sabi pa ni Clau, “As long as nasa tama ka, kung sino ang kalaban mo, dapat mapanagutan. Nandito ang support ko sa’yo, 100 percent.
“Huwag kang pumayag na magpaapi ka, ginagamit ka, or inaabuso ka. Mahal kita kaya nandito ako bilang kaibigan, bilang kapatid. Gaya ng sinabi ko, huwag kang matakot.
“Nandito kami. Walang pwedeng manakit sa ’yo. Tandaan mo ’yan. Mahal na mahal kita,” ang message pa ni Clau kay Jojo.
Kung matatandaan, inilantad ng kampo ni Jojo ang mga hinaing niya laban kay Mark, kabilang na ang ilang beses na pang-iiwan nito sa kanya sa ere sa oras ng trabaho at iba pang commitments.
Nabanggit din ni Jojo nagbanta umano si Mark na susunugin ang bahay niya kapag naetsapwera siya sa mga projects ng kanyang grupo.
Samantala, sa kabila ng mga isyung kinakaharap, tuloy pa rin ang pagtatrabaho at pagpo-promote ng Revival King sa kanyang first original single na “Nandito Lang Ako” composed by Star Muisic executive and OPM songwriter-producer Jonathan Manalo.
Bukod sa naturang kanta, patuloy pa ring pino-promote ni Jojo ang kanyang revival hit na “Somewhere In My Past.” And very soon, ire-record na rin ng Revival King ang tatlong OPM hits na “I love You, Boy” ni Timmy Cruz, “Pare, Mahal Mo Raw Ako” ni Michael Pangilinan, at “Tamis Ng Unang Halik” ni Tina Paner.
Abangan din daw kung sinu-sino ang mga kilalang OPM artists na makaka-collab niya sa kanyang next projects.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.