‘Cookie ni Mocha…sarap-sarap!’ jingle kabastusan o may ipinaglalaban?

Mocha Uson
GUMAGAWA na naman ng ingay ngayon ang singer-dancer at dating assistant secretary ng Presidential Communications Operations Office (PCOO) na si Mocha Uson.
Nagsilbi si Mocha noon sa gobyerno sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte at ngayo’y kumakandidatong konsehal sa District 3 ng Maynila.
Viral na ang video ni Mocha na kuha sa naganap na proclamation rally ng “Yorme’s Choice” sa Maynila nitong nagdaang March 30, sa pangunguna ng mayoralty candidate na si Isko Moreno.
Sa naturang video, mapapanood ang dating sexy singer-actress na kumakanta at sumasayaw gamit ang kanyang campaign jingle na “Cookie ni Mocha.”
Isinisigaw ni Mocha sa video ang mga katagang, “Cookie ni Mocha!” na sasagutin naman ng mga nasa rally ng, “Ang sarap-sarap!” Hirit pa niyang tanong sa mga tao, “Natikman n’yo na ba ang cookie ni Mocha?”
Kasunod nito, ibinahagi ni Mocha kung ano ang mas malalim na kuwento ng “Cookie ni Mocha.”
“Kapag nalaman niyo ang kwento, ang Cookie ni Mocha ay isang simbolo ng pag-asa at tunay na pagbabago,” sabi ng singer.
Sabi pa niya na mababasa sa kanyang Facebook page, “Sampung taon na ang nakalipas mula nang mabuo natin ang Cookie ni Mocha, isang munting negosyo kung saan natin nakilala si Nanay Lourdes, isang mahusay na panadera na naging kaagapay natin sa paggawa ng Cookie ni Mocha.
“Ngunit nang malaman natin na siya ay may Stage 4 breast cancer tulad ng aking ina, nagdesisyon tayong ialay ang lahat ng kinita ng Cookie ni Mocha para sa kanyang pagpapagamot,” esplika ng kaalyado rin ni former President Rodrigo Duterte.
“Mula sa isang simpleng negosyo, ito ay naging isang adbokasiya—isang laban para sa kalusugan ng ating mga kananayan
“Ngayon, ibinabalik natin ang Cookie ni Mocha, dahil hindi lang yan Cookie lamang, ito ay ating simbolo ng pag-asa para sa isang mas maunlad na kinabukasan ng ating kananayan at mga senior citizens sa ating distrito,” sey pa ni Mocha Uson.
Iba’t iba ang naging reaksiyon ng mga netizens sa video ni Mocha, siyempre may mga nabastusan sa kanyang single pero meron ding natuwa dahil may makabuluhang ipinaglalaban ang “Cookie ni Mocha.”
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.