BINI kinilalang ‘Women of the Year’ ng Billboard Philippines

PHOTO: Instagram/!bini_ph
KASABAY ng pagdiriwang ng Women’s Month, isang malaking parangal ang iginawad sa P-pop powerhouse na BINI!
Ang grupo, na binubuo nina Jhoanna, Aiah, Colet, Maloi, Gwen, Stacey, Mikha, at Sheena, ay opisyal nang tinanghal bilang “Women of the Year” ng Billboard Philippines.
Ang makasaysayang pagkilala ay bahagi ng prestihiyosong event na “Women in Music: The Executive Edition,” kung saan bibigyang-pugay rin ang ilan sa pinakamahuhusay na babaeng lider sa industriya ng musika.
Ang good news tungkol sa nation’s girl group ay ibinandera mismo ng e-magazine sa social media.
Baka Bet Mo: Karen Davila sa BINI: ‘OMG ang babait! Tama lang na iniidolo niyo sila!’
Inilarawan pa nga nila ang BINI na hindi matatawaran ang tagumpay nitong nakaraang taon.
“The last year of Filipino music has been its most exciting yet, and at the core of it all has been BINI. With sold-out concerts around the world, chart-topping hits, and international awards, there’s no denying the success of [the] Nation’s Girl Group,” sey sa caption.
Dagdag pa sa post, “And rightfully so, Billboard Philippines proudly names BINI as the 2025 Women Of The Year.”
View this post on Instagram
Bukod sa BINI, kikilalanin din sa nasabing seremonya sina Rhiza Pascua (Management, Concerts, and Live Entertainment), Kathleen Dy-Go (OPM Vanguard), Marivic Benedicto (Music Rights), Georgette Tengco (Music Distribution), Audry Dionisio (Independent Record Labels), at Roslyn Pineda (Industry and Record Label) bilang mga haligi ng industriya ng musika sa bansa.
Ito na ang ikalawang pagkakataon na kinilala ng Billboard Philippines ang pambihirang husay ng BINI sa isang Women’s Month-centered event.
Matatandaang noong March last year, sila ay ginawaran ng “Rising Star” award sa Billboard Philippines Women in Music ceremony.
Sa nakalipas na taon, kabilang sa mga nagawaran ng Billboard Philippines Women in Music awards sina Sarah Geronimo, Regine Velasquez, Pilita Corrales, Ena Mori, Morissette Amon, at Belle Mariano.
Bukod sa prestihiyosong parangal, patuloy na namamayagpag ang grupo sa global stage.
Kamakailan lang ay umabot na sa isang bilyong cumulative streams sa Spotify ang BINI, habang ang kanilang dokumentaryo na “BINI Chapter 1: Born to Win” ay napabilang sa shortlist ng “Documentary: Biography or Profiles” category sa 2025 New York Festivals TV & Film Awards.
Matapos ilabas ang kanilang pangalawang EP na “Biniverse” noong Pebrero, naghahanda na ngayon ang grupo sa kanilang inaabangang world tour na magdadala sa kanila sa Dubai, London, Canada, at Estados Unidos!
Matatandaang sinimulan ng BINI ang unang leg ng kanilang tour sa Philippine Arena na pinuno ng kanilang masugid na fans.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.