
PHOTO: Screengrab from Facebook/Ruth Adel
SINIBAK sa pwesto ang tatlong tauhan ng Office of Transport Security (OTS) ng Department of Transportation (DOTr).
Ayon ito mismo kay DOTr Secretary Vince Dizon matapos ang isang insidente ng umano’y “tanim-bala” sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) noong March 6.
“So we are hereby announcing the termination of all the people in the OTS who were involved in this incident — three personnel,” sey ng kalihim sa isang press conference ngayong araw, March 10, base sa ulat ng INQUIRER.
Hindi naman tinukoy ni Dizon ang pagkakakilanlan ng mga tinanggal na empleyado.
Sa isang Facebook post nitong Sabado, March 8, ikinuwento ng biktima na si Ruth Adel na nasa boarding gate na sila ng kanyang pamilya nang lapitan siya ng mga tauhan ng OTS.
Baka Bet Mo: NAIA security officer sinabing tsokolate raw ang nilunok at hindi $300, OTS investigation team hindi naniniwala
Sinabi umano sa kanya na may natagpuan silang “anting-anting” sa kanyang bag.
Nang tanungin niya kung ano ang tinutukoy na anting-anting, sinabi ng isang security officer habang natatawa, na may nakita silang bala sa kanyang bagahe gamit ang X-ray scanner.
Ayon pa nga kay Ruth, inakala niyang biro lang ito dahil sa casual na paraan ng pagsabi ng security officer.
Mariin niyang itinanggi ang paratang at hiniling ang agarang inspeksyon sa kanyang bagahe, ngunit iginiit ng mga tauhan ng seguridad na sumama siya sa kanila.
Tumanggi si Ruth at ang kanyang pamilya dahil paalis na ang kanilang flight.
Dahil dito, tumawag ng supervisor ang mga tauhan ng OTS na kalaunan ay nagsabing nasa kanyang handbag at hindi sa kanyang bagahe ang bala.
Ipinakita rin umano sa kanya ang isang X-ray image bilang ebidensya, ngunit giit ni Adel, walang susi ang kanyang bag, hindi tulad ng nasa larawan na ipinakita sa kanya.
Dahil sa nangyari, mariing kinondena ni Dizon ang modus umano at sinabing hindi ito palalampasin ng kanilang ahensya.
“We will not stand for any abuse,” sambit niya sa presscon.
Patuloy niya, “Any abuse will be met with the same result and the same swift action from us, as mandated and as ordered to us by the President himself.”
Binigyang-diin din niya ang mahigpit na babala sa mga kawani ng gobyerno, lalo na sa sektor ng transportasyon.
“Alam ko mahirap mawalan ng trabaho, lalo na ngayon. Napakahirap ng buhay. Pero sana po, we are sending a message loud and clear to everyone in government, and everyone in the DOTr, everyone in the airport, everyone in the port, everyone in the railways, everyone in the road sector, LTO (Land Transportation Office), LTFRB (Land Transportation Franchising and Regulatory Board), everyone, that we will not tolerate this sort of behavior against our citizens,” saad niya.
Kasunod niyan ay humingi siya ng paumanhin kay Ruth at sa kanyang pamilya sa naging pagtrato sa kanila ng mga tauhan ng OTS.
“I profusely apologize for this incident. Again to, Ma’am Ruth, and to Kai [her daughter], and to everyone who has experienced this sort of traumatic event na pinagdadaanan nila sa airport…Kami po ay nag-aapologize…Kami po ang nagsasabi na from now on, hindi na namin papayagan na mangyari ito,” wika ni hepe ng DOTr.
Bandang huli, tiniyak din ni Dizon sa publiko na magpapatupad sila ng mas mahigpit na mga panuntunan upang maiwasan ang ganitong mga modus in the future.