
PHOTO: Facebook/Maritess Gutierrez
NAGLABAS ng public apology ang facebook page na Pinoy History matapos kumalat sa social media ang tungkol sa umano’y last will and testament ng yumaong Reyna ng Pelikulang Pilipino na si Gloria Romero.
Ayon sa kumalat na pekeng balita, may mahigit P700 million daw si Tita Glo sa bangko, bukod pa sa pag-aari umano niyang mansion na milyones din daw ang halaga.
Nakasaad din sa nakita naming artcard ang presyo ng isang school na nais daw ipatayo ng yumaong aktres –ang halaga ng mga donasyon para sa tatlong institusyon at ang ipamamana raw sa anak na si Maritess Gutierrez at apong si Chris Gutierrez.
Nauna nang sinabi ng anak ni Tita Glo na si Maritess na ang balitang ito ay hindi dapat paniwalaan ng publiko.
Baka Bet Mo: Gloria Romero walang ‘paramdam’ sa anak at apo na mamamaalam na
Nabanggit din niya sa isang interview na pinag-aaralan na nilang magsampa ng kaukulang kaso laban sa mga taong nasa likod ng naturang fake news.
Nitong February 5, ibinandera ng nasabing FB page ang pag-ako nila sa naging pagkakamali at humingi ng sorry kina Maritess at Chris.
“Para po sa kaalaman ng publiko, ang inyong nabasa sa post na ito ay walang katotohanan, mali at False News, wala rin pong interview si Ms. Maritess tungkol dito. Sa adhikain ng aming isang admin na mas mapaganda ang kanyang ala-ala ng paglisan nauwi ito sa isang malaking kahihiyan sa aming parte,” saad sa bahagi ng mahabang public apology.
Dagdag pa, “Ang aming pong nagawa ay nagdulot ng panibagong lungkot at pag-aalala sa pamilya sa panahon na dapat tayong lahat ay nakikiramay.”
“Binigo rin po namin ang aming mga followers na sampung taong nagmahal at nagtiwala sa aming mga balita at post. Salamat po sa patuloy na pag-unawa na maging ang pangyayari ito ay nagdulot sa amin ng sobrang anxiety at depression,” wika pa.
Anila, “To Ms. Gutierrez and Sir Balbin, sa ngalan po ng bumubuo ng Pinoy History team ang aming sinsero at kababaang-loob na paghingi ng kapatawaran mula sa inyo, salamat po.”
Ang post na ‘yan ay shinare mismo ni Maritess sa kanyang Instagram Story noong Huwebes, February 6.
Magugunitang pumanaw ang binansagang Queen of Philippine Cinema noong January 25 sa edad na 91.
Ilan sa mga pelikula na nagpasikat sa yumaong artista ay ang 1952 film an “Madame X,” at “Dalagang Ilocana” na makalipas ang dalawang taon ay hinirang siyang Best Actress sa FAMAS.
Ang mga kinatampukan pa niyang mga pelikula ay ang “Hong Kong Holiday,” “Condemned,” “Nagbabagang Luha,” “Tanging Yaman,” “Magnifico,” “Moments of Love,” “Beautiful Life,” “Rainbow’s Sunset,” at marami pang iba.
Nakabilang rin siya sa ilang TV dramas katulad ng “Familia Zaragoza,” “Mga Anghel na Walang Langit,” “May Bukas Pa,” at “I Love Betty La Fea.”
Dahil sa natatangi niyang husay sa pag-arte sa ilang dekada niya sa entertainment industry ay marami na rin siyang natanggap na parangal.
Kabilang na riyan ang dalawang FAMAS Award for Best Actress awards, isang FAMAS Award for Best Supporting Actress, dalawang Gawad Urian acting awards, at dalawang Metro Manila Film Festival (MMFF) Best Actress awards.