
Jake Cuenca at Alex Calleja
NAILANG daw ang TV host-comedian na si Alex Calleja sa aktor na si Jake Cuenca nang mag-guest sa comedy show noon ng ABS-CBN na “Toda Max”.
Isa si Alex sa mga writer ng show na umere noong 2013 na pinagbidahan nina Robin Padilla, Angel Locsin at Vhong Navarro.
Naikuwento ng komedyante sa panayam niya kay Ogie Diaz sa “Showbiz Update” kasama si Mama Loi at Tita Jegs na mapapanood sa YouTube nu’ng tanungin kung sino sa mga lalaking artista ang ayaw niyang makatrabaho.
Simulang pahayag ni Alex, “Ito muna ang backstory sa simula nakatrabaho ko siya (Jake) na-ano ako sa attitude niya pero nabago pagkatapos ng apat na taon nag-guest kasi siya sa isang show (Toda Max).”
Sabay bulong kay Ogie kung sino ito, “Ah nabago, bakit?”
“Nu’ng una kasi very star pagkatapos (eksena) hindi siya nakiki-mingle. Tapos napansin ko ‘yung paligid niya na kapag nandiyan na natataranta ‘yung (prod staff), na ‘yung set tapos ang dating niya, ‘o take na tayo!’ parang ganu’n.
“Tapos nu’ng nakasama ko siya (Jake) sa isang teleserye sabi niya, ‘Uy fan mo ako!’ (Nagulat ako), gusto ko siyang yakapin at sabihing ‘pasensya ka na sa apat na taong hindi kita gusto,’” tumatawang kuwento ni Alex.
Dagdag pa, “Gusto ko tuloy i-text lahat ng mga kaibigan kong pinagsabihan ko (tungkol kay Jake) na sorry nagkamali ako tulad n’yan nadagdag kayo (Ogie at Mama Loi).”
Hamon ni Ogie kay Alex, “O, ito na ang pagkakataon mo na puwede mong banggitin na nagkamali ka.”
Hindi naman halos makapagsalita si Alex sa katatawa at maging si Mama Loi ay tawang-tawa rin sa hamon ni Ogie.
“Imagine nag-iba na ang impression mo, nababaitan ka na sa kanya. Anong pangalan niya?” tanong ni Ogie.
“Si Jake Cuenca!” sagot ni Alex. “Iba kasi ang impression ko 2014 pa sa Toda Max ‘yun! Sabi ko, ang yabang nito ah, tapos nailang ako tapos nu’ng nakasama ko sa Los Bastardos (2018), ang bait!” sabi ng komedyante.
May babaeng artistang ayaw ding makasama ni Alex dahil iba ang pakiramdam niya na baka hindi siya pansinin o baka laitin siya kasi nga sikat at hindi basta namamansin.
Ganito rin pala ang pakiramdam ni Mama Loi kaya nakaka-relate siya sa kuwento ng TV host-comedian.
Pero sabi ni Ogie, “Okay naman kami kasi nakasama ko siya bata pa siya.”
Hinamon ni Ogie na pangalanan ito ni Alex pero tigas ang pagtanggi nito.
Anyway, ang one man-comedy show ni Alex na “Tamang Panahon” ay mapapanood na sa Netflix simula bukas, February 7, Friday.