Pagkilala sa natatanging kontribusyon ni Gloria Romero isinusulong sa Senado

Gloria Romero
ILANG araw matapos pumanaw ang tinaguriang Queen of Philippine Cinema na si Gloria Romero, isang resolusyon ang inihain sa Senado para sa kanya.
Ito ay upang kilalanin at bigyang-pugay ang natatanging kontribusyon at walang kapantay na ambag ng yumaong batikang aktres sa mundo ng pelikula at telebisyon sa Pilipinas.
Magugunitang namayapa ang premyadong aktres noong January 25 sa edad na 91.
Bilang isa sa pinakapinagpipitaganang personalidad sa larangan ng sining, si Gloria ay kinilala hindi lamang para sa kanyang mga hindi malilimutang pagganap, kundi pati na rin para sa kanyang propesyonalismo at malasakit sa industriya.
Mula sa mga klasikong pelikula hanggang sa mga modernong serye, siya ay naging inspirasyon sa mga kapwa artista at tagahanga.
Ang Senate President Pro Tempore na si Jinggoy Ejercito Estrada ang naghain ng Senate Resolution No. 1290 noong Janaury 27 bilang pagkilala sa makabuluhang papel ni Gloria sa pagpapayaman ng pelikulang Pilipino at kultura.
“Hindi maitatanggi na nakaukit na ang pangalan na Gloria Romero sa mundo ng pelikulang Filipino maging sa daigdig ng telebisyon,” sey ni Jinggoy sa ulat ng INQUIRER.
Dagdag pa niya, “Mahirap tumbasan ang higit sa dalawang daan at limampung pelikula at TV shows na nagawa niya sa loob ng mahigit na anim na dekada at tumatak sa mga manonood.”
Binanggit din ng senador ang malalim na epekto ng mga proyekto ng yumaong aktres na nagbigay rin sa kanya ng titulo bilang “Queen of Philippine Cinema.”
Kwento ni Jinggoy, “My father, former President Joseph Estrada, was fortunate to be among them as she was his leading lady in the film Patria Adorada, which was named as the best picture in the 4th Manila Film Festival held in 1969.”
Pakikiramay pa niya, “The Senate, along with the entire Filipino nation, mourns the loss of a cinematic legend whose legacy will continue to inspire for generations to come.”
Maaalala na ang pamangkin ni Gloria na si Lovely Rivero ang unang nagkumpirma ng malungkot na balita sa pamamagitan ng Facebook post.
As of this writing, wala pang natutukoy na dahilan sa pagkamatay ng veteran actress.
Ang mga naiwang mahal sa buhay ni Gloria ay ang kanyang anak na si Maritess Gutierrez at apo na si Chris.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.