MTRCB sa publiko: ‘Suportahan natin ang mga pelikula sa 50th MMFF!’
MAY pakiusap ang Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) sa pagbubukas ng Metro Manila Film Festival (MMFF) 2024.
Hinihikayat nila ang pamilyang Pilipino na suportahan at tangkilikin ang sampung official entries na kalahok sa nasabing film festival na magsisimula na bukas, December 25.
Binigyang-diin ng Board ang malaking ambag ng mga lokal na pelikula pagdating sa pagpapakita ng kultura at pagiging malikhain ng mga Pilipino.
Ayon kay MTRCB Chairperson and CEO Lala Sotto-Antonio, malaki ang partisipasyon ng MMFF bilang plataporma para sa mga direktor, producer, aktor at iba pang kasali sa industriya ng pelikula.
Baka Bet Mo: Jane pumili ng 5 artista na malakas ang laban sa pagka-best actress sa MMFF
“Hindi lang isang taunang pista ng pelikulang Pilipino ang MMFF kundi isa rin itong selebrasyon ng mayamang kultura at pagkamalikhain natin bilang isang lipi,” sey ni Sotto-Antonio.
Dagdag niya, “Ang pagsuporta natin sa mga lokal na pelikula ay malaking tulong upang mas lumago pa ang industriya ng pelikula sa bansa.”
Ang MMFF ngayong taon ay sumasalamin sa iba’t ibang tema at naratibo na pasok sa lahat ng klase ng manonood.
Pito rito ay swak para sa pamilyang Pilipino, habang ang nalalabi ay para sa mga may edad na.
Muling pinaalala ni Sotto-Antonio ang mahalagang papel na gagampanan ng mga magulang at guardians para sa responsableng panonood ng mga bata.
“Ating tiniyak na ang 10 pelikula na kasali sa MMFF ay nabigyan ng angkop na klasipikasyon,” wika ng MTRCB chair.
Aniya pa, “Pero ang responsibilidad para tama ang panonoorin ng mga bata ay nakasalalay sa gabay ng mga magulang at nakakatanda.”
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.