HALOS lahat ng nakapanood na ng Metro Manila Film Festival 2024 entry na “Espantaho” ay nagsasabing napakalakas ng laban ni Judy Ann Santos sa pagka-best actress.
Kahit suspense-horror ang nasabing pelikula mula sa direksyon ng award-winning filmmaker na si Chito Roño ay nagmarka rin sa mga manonood ang madadramang eksena ni Juday.
Pinalakpakan ng mga nasa premiere night ng “Espantaho” ang confrontation scenes ni Judy Ann at ng veteran actress na si Chanda Romero pati na ang mga pasabog na eksena nila ng Grandslam Star na si Lorna Tolentino.
Kaya naman ang hula ng karamihan, posibleng maiuwi ni Juday ang Best Actress trophy sa MMFF 2024 Gabi ng Parangal na magaganap sa darating na December 27.
Matatandaang si Juday din ang nagwaging pinakamahusay na aktres sa 45th Metro Manila Film Festival noong December, 2019, dahil sa natatangi niyang pagganap sa official entry na “Mindanao.”
Baka Bet Mo: Vilma nag-apologize kay Judy Ann: Kung hindi talaga ukol, hindi bubukol!
“Grabe naman, alam niyo, sa lahat naman ng mga review na ganyan, ‘yung masabing ganu’n, maaaring cliché pakinggan, palagi naman nilang sinasabi na best actress ka rito, pero sa totoo lang, napakaraming magagaling.
“Maraming silent movie na hindi mo masasabi na pwedeng maging Best Picture, Best Actor, maging Best Actress.
“Kasi, ang daming magagaling talaga sa latag ngayon ng mga entries. Pero, para mapansin ang trabaho naming lahat sa ‘Espantaho,’ I think, we did a very good job. That alone, nakakataba ng puso,” pahayag ng wifey ni Ryan Agoncillo nang makachikahan siya ng BANDERA at ilang piling members ng entertainment media kahapon.
Maraming nagwi-wish at nagdarasal na siya ang makapag-uwi ng tropeo, “Sana, pero, tingnan natin, basta ako masaya na ko na tumawid ang trabaho namin sa mga tao. Naramdaman nila. ‘Yung pagod, hirap, emosyon na ibinigay namin. Natakot sila, kahit paano.
“Napakalaking Christmas bonus kung sakali man. Kasi, nandiyan sina Ate Vi (Vilma Santos), Aicelle (Santos), Julia (Barretto), ang daming mahuhusay. And noong nakita ko yung latag ng mga trailer nila, ang titindi rin ng mga bata, ha!
“Kumbaga, kumakasa rin sila sa aktingan. Nakaka-proud, nakakatuwang isipin na marami na ang sumeseryoso sa larangan ng pag-arte. Na hindi na lang ito basta pera-pera na lang,” saad pa ni Juday.
Sa ngayon, bukod sa pagpapatuloy ng kanyang showbiz career, masaya at kuntento na raw siya sa kanyang personal life at nagpapasalamat siya kay Ryan dahil until now ay suportado pa rin nito ang kanyang career.
Meron din naman daw siyang mga isinakripisyo sa buhay para marating ang kinalalagyan niya ngayon, “Marami ka ring matututunan. Marami ka rin kailangang i-let-go ang pain na pagdaraanan at realization din. At ‘di mo alam, ito na pala ang contentment na hinahanap mo.
“Ang dasal ko na lang ngayon gabi-gabi, for our kids to have a better future. Chance for a better life at magkaroon ng option in life at makita naming mag-asawa kung ano ang propesyon nila kapag matatanda na sila,” aniya.
Baka Bet Mo: Vilma nagsalita na kung bakit mas pinili ang ‘Uninvited’ kaysa sa ‘Espantaho’
Tungkol naman sa married life nila ni Ryan, solid na solid pa rin daw ang kanilang relasyon, “Parang sa pundasyon naman ng pagkakaroon ng asawa, maraming pwedeng mangyari na blindsided ka. Pwedeng ngayon, okay na, okay kayo.
“Sa susunod na buwan, may pagdaraanan kayo. Para sa akin, as long as may trust kayo sa marriage niyo, may communication kayo nang maayos and you respect each other’s time and pagkatao.
“At kung ang center ng pagmamahalan niyo ay ang isa’t isa at ang Panginoon, anchored kayo properly. Saka feeling ko, importante rin na may sarili kayong ginagawa on the side.
“Hindi pwedeng araw-araw, kayong dalawa na lang basta at the end of the day, tayo pa rin. Basta may faith kayo sa isa’t isa,” pagbabahagi pa ni Judy Ann.
At kung ang ibang mag-partners ay sinasabing hindi nila tinutulugan ang kanilang problema o kapag nag-aaway at nagdidiskusyon, iba raw sila ni Ryan.
“Hindi po kami ganu’n. May pinipili siguro ang ganu’n. Kasi siyempre, minsan mainit ang isyu, very emotional. Ako rin personally, itulog muna natin ‘to, pagnilay-nilayan muna natin ‘to.
“Although I know, ina-advice ng maraming tao ‘yan, but hindi applicable sa lahat,” ang natatawang chika pa ni Judy Ann.
By the way, showing na ang “Espantaho” sa lahat ng sinehan nationwide simula sa December 25 bilang bahagi ng 50th edition ng MMFF.
Bukod kina Lorna at Chanda, kasama rin sa “Espantaho” sina Mon Confiado, Janice de Belen, JC Santos, Dona Cariaga at marami pang iba. Ito’y mula sa Quantum Films, Cineko Productions at Purple Bunny Productions.