WAPAKELS o walang pakialam si Lorna Tolentino kung second choice siya sa karakter na Rosa bilang ina ni Judy Ann Santos sa pelikulang “Espantaho”.
Ito ang entry ng Quantum Films, Purple Bunny Productions at Cineko Productions ngayong 50th Metro Manila Film Festival.
Sabi ng Quantum producer na si Atty. Joji V. Alonso, pakiwari niya ay na-challenge si LT dahil nga second choice siya kaya ginalingan niya nang husto at maganda naman ang kinalabasan dahil laging in character ang premyadong aktres mula pagdating sa set hanggang makauwi na.
Kuwento sa amin ay ang huhusay ng mga artista ng “Espantaho” dahil hindi sila nakatikim ng galit mula sa kanilang direktor na si Chito Roño na kilalang “terror” sa set at kahit nga raw ang batang si Kian Co na gumanap na anak ni Judy Ann sa movie ay hindi nasita.
Baka Bet Mo: Vilma nagsalita na kung bakit mas pinili ang ‘Uninvited’ kaysa sa ‘Espantaho’
Samantala, maraming nagtataka kay Lorna dahil kahit na segue-segue siya sa shooting ng “Espantaho” at taping ng “FPJ’s Batang Quiapo” ay napapanatili pa rin niya ang kanyang glowing skin at hindi halatang 63 years old na siya sa darating na Disyembre 23.
Kapag may oras kasi ay talagang natutulog si LT dahil kailangan ito ng katawan at balat natin para hindi manguluntoy at siyempre ang kanyang beauty regimen ay ang mga produkto ng Beautederm ni Ms. Rei Anicoche-Tan kung saan isa siya sa mga endorser.
Sabi nga niya sa mga nakakakuwentuhan niyang production staff ng “Espantaho”, habang naghihintay o nagbabasa ng script ay ginagamit niya ang anti-wrinkle instrument.
Lagi rin pala niya itong ipinapayo sa mga nakakatrabaho niya na dapat alagaan ang sarili lalo na kung nagkakaedad na dahil dito na naglalabasan ang mga nararamdaman sa katawan.
Kaya nga bilin ng matatanda kapag bata ay huwag magbabasa ng paa pagkahubad ng sapatos, huwag maliligo kapag pagod o pawisan at marami pang iba dahil pagtanda ay sisingilin ka — na totoo naman.
“Dapat alagaan ang sarili. ‘Yun ang unang-una. Habang tumatanda ka, lumalabas ang mga problema mo physically. Kailangan kong bumalik sa pag-eensayo. Kaming mga babae, may menopausal stage at marami kaming hormonal changes. Unahin mo ‘yung sarili mo para humaba pa ang buhay mo,” paliwanag ng aktres pagkatapos ng grand mediacon ng “Espantaho.”
Nasambit ito ni LT dahil noong inalagaan niya ang namayapang asawa na si Rudy Fernandez nang mahigit dalawang taon ay marami na siyang naging karamdaman.
“After nu’ng nag-caregiver ako kay Da Boy, doon lumabas lahat. Nagkaroon ako ng aneurism but that was cured immediately right after ng Holy Land trip ko. Nawala na ‘yun.
“Siguro sa sobrang stress at tension. Kasi 2 years and 7 months akong nakatutok kay Daboy, lahat ng simbahan na pinupuntahan namin, isusulat lahat ng wishes. Ibang mga tao ang pinagdarasal ko. ‘Yung mga anak ko, ako ang pinagdasal nila,” aniya.
Nabanggit pang may nakalagay sa ulo niya na kasinglaki ng butil ng mais bunga ng pananakit ng ulo niya noon ng madalas. Base rin sa narinig namin ay hindi pa tinatanggal ito dahil baka mas lalong magkaroon ng problema.
Nagkaroon din ng problema sa puso si LT na dahilan kaya kailangan niyang tumigil muna sa pagtatrabaho.
“Kasi may sakit ako sa puso. Akala nga nila sa akin kalma-kalma lang ako. May maintenance naman ako for that. Nagka-calm down naman ako. Kapag may mabibigat na eksena na kailangang mag- breakdown, I easily cut off by removing myself from the scene. Lalayo ako para kumalma,” kuwento ng aktres sa ilang entertainment press na kaharap niya.
Challenging nga talaga ang karakter ni LT sa “Espantaho” dahil ikalawang pamilya sila ng tatay ni Judy Ann.
Kaya sa trailer ng pelikula ay pinalalayas silang mag-iina ni Chanda Romero sa bahay na tinitirhan nila bilang pag-aari nito as legal wife.
Kuwento ni LT, “Hindi niya puwedeng pakawalan ang pagmamahal niya sa kanyang anak. ‘Yun ang motivation niya. Ipaglalaban niya kahit hindi niya kaya. Ipaglalaban niya lahat basta tungkol sa anak niya at tungkol sa karapatan ng pagkatao niya.
“Yung character ko, hindi masyadong masalita kaya nagpapasalamat ako kay Juday, kumbaga sa kanya ako humuhugot ng kung ano man ang mararamdaman. She’s a giving actress. Hindi siya maramot,” sabi ni LT.
Anyway, abangan ang “Espantaho” sa December 25 sa lahat ng sinehan nationwide mula sa direksyon ni Chito Roño at sinulat ni Chris Martinez.
Kasama rin sa pelikula sina Chanda Romero, JC Santos, Mon Confiado, Nico Antonio, Donna Cariaga, Kian Ko, Archi Adamos Janice de Belen at Eugene Domingo, at may special participation naman si Tommy Abuel.