NAPASABAK sa matitindi at buwis-buhay na stunts at action scenes si Daniel Padilla para sa pinakabagong teleserye ng ABS-CBN, ang “Incognito.”
Makalipas ang halos tatlong taon ay muling nakaharap ng entertainment media si Daniel sa grand presscon ng “Incognito” na magsisilbing comeback series niya sa telebisyon at iba pang digital platforms.
Napansin ng lahat ng nasa mediacon na medyo nagkalaman si DJ with matching kakaibang hairstyle na pang-action star talaga ang datingan.
Ayon kay Daniel, nang inalok sa kanya ang “Incognito” at nang mabasa niya ang script nito, na-excite na siya nang bonggang-bongga, idagdag pa ang mga makakasama niya sa proyekto tulad nina Richard Gutierrez, Ian Veneracion at Baron Geisler.
Baka Bet Mo: Vice inatake ng matinding takot sa buwis-buhay act ni Ion sa Magpasikat
“Noong binanggit sa akin ang kuwento, sobrang nagka-interest na agad ako, yun nga, tungkol sa private military contractor.
“Tapos nakita ko kung sino ang mga kasama, tapos kinumbinsi ako ni Tito Ian, tinawagan niya ako, kaya lalo akong na-excite.
“’Yun nga, ‘yung binabanggit na elevation, sabi ko, parang gusto kong maging parte noon. Iba rin kasi ang mga apoy sa mata ni Direk Lester (Ong) noong binabanggit sa akin ang kuwento, at pupuntahan ng serye namin.
“Sabi ko talaga, gusto ko talagang maging parte nito. Kaya salamat talaga na nakasama ako sa ‘Incognito,'” sey ni Daniel.
Samantala, natanong din siya kung may napi-feel siyang pressure sa pasabak niya sa aksyon dahil nga mga kilalang action star din ang tatay niyang si Rommel Padilla at ang uncle niyang si Sen. Robin Padilla na all out din noon sa paggawa ng mga buwis-buhay na eksena.
“Wala naman silang binibigay na pressure sa akin. Wala naman akong nararamdamang kaba or anything.
“Hindi ko alam, eh. I’m just doing my best. Kung anong kalabasan noon, that’s it. Basta ako, I’m doing my best. And proud ako sa mga nagagawa namin as a group.
“Sa training pa lang, excited na ako. Pero excited akong ipakita sa erpat (Rommel) ko ito. Malamang panis siya sa akin! Ha-hahaha! Joke lang. Joke lang!” biro ni Daniel.
Pagpapatuloy niya, “Oo nga, ang tatay ko nandu’n din sa genre na yun, ang mga tito ko. Pero, iba-iba naman kami ng timpla. Tingnan na lang natin kung ano ang maio-offer natin.”
Makakasama rin sa “Incognito” sina Maris Racal, Anthony Jennings at Kaila Estrada. Mapanood na ito sa Netflix sa January 17 at ipalalabas naman sa ibang Kapamilya platforms tulad ng iWantTFC sa Enero 18, Kapamilya Channel, Jeepney TV, TV5, at A2Z sa January 20, 2025.