Neri Naig balik presinto sa Dec. 4 matapos ma-confine sa ospital

Neri Naig balik presinto sa Dec. 4 matapos ma-confine sa ospital

PHOTO: Instagram/@mrsnerimiranda

MAY bago kaming nasagap na update tungkol sa actress-entrepreneur na si Neri Naig-Miranda.

Matapos isugod at ma-confine sa ospital, sinabi ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) na madi-discharge si Neri sa darating na Miyerkules, December 4.

Magugunita noong November 29 nang i-transfer ang celebrity mom sa hindi nabanggit na ospital mula sa Pasay City Jail Female Dormitory upang sumailalim sa medical evaluation.

Ipinaliwanag ni BJMP spokesperson Jail Supt. Jayrex Bustinera, nakasaad sa court order na hindi dapat lalagpas ng limang araw ang nasabing evaluation.

“We expect [no] later than Wednesday, December 4. We are also coordinating with the hospital and the court for her return to jail,” sey ni Bustinera sa INQUIRER.net sa isang Viber message ngayong araw, December 2.

Baka Bet Mo: Neri Naig bakit nga ba kabilang sa Top 10 ‘Most Wanted Persons’?

Nauna nang nilinaw ng tagapagsalita na walang health issues si Neri, pero dinala siya sa ospital dahil ito ay isang “standard procedure” ng kanilang pasilidad.

“According sa order ng judge, ito ay para i-assess ang kanyang medical condition at kanyang well being. Inutusan kami ng BJMP na dalhin siya sa ospital at na-comply naman kami kagabi,” sambit ni Bustinera sa naunang interview.

Magugunitang inaresto ang aktres ng mga operatiba ng SPD habang nasa isang convention sa Pasay City noong November 23 dahil sa umano’y paglabag sa Securities Regulation Code, estafa at syndicated estafa.

Aabot sa mahigit P1.7 million ang kabuuang piyansa sa isang kaso lang niya, ngunit ang iba ay non-bailable.

Kinumpirma rin recently ng SPD na pang-pito sa listahan si Neri sa “Most Wanted Persons” ng police station level.

Kamakailan lang, ang legal team ni Neri ay nagtungo sa Regional Trial Court sa Pasay City matapos mag-file ng “motion to quash” na naglalayong mapawalang-bisa ang mga kasong isinampa laban sa kanya.

Ngunit iniurong ng korte ang kanyang arraignment sa January 9 dahil kinailangan muna raw magsumite ng kani-kanilang komento ang prosecution at Securities and Exchange Commission (SEC) hinggil sa mosyon na inihain ng kampo ng aktres.

Ibig sabihin niyan, posible siyang magdiwang ng Pasko at New Year sa loob ng presinto.

Read more...