SA 13 buwan panunungkulan ng Ikalawang Aquino, palaging panalo ang kalaban ng gobyerno. Palaging panalo ang mga rebeldeng komunista’t Moro, teroristang Abu Sayyaf at Lost Command kuno, na hindi naman malaman ng ISAFP kung sinu-sino ang mga miyembro at mabibilang sa daliri ang lumutang o itinuturong mga lider.
Kinidnap ng may 30 kasapi ng New People’s Army si Mayor Henry Dano, ng Lingig, Surigao del Sur, at dalawang Army escort nito sa kanyang bahay sa Barangay Sabangan, at bilang pagdiriwang sa tagumpay na misyon ay nagpasabog pa ng landmine na ikinamatay ng isa at ikinasugat ng anim na kawal ng gobyernong Aquino.
Iba na ang kasuotan ng mga rebelde at hindi na bihis-Ka Roger: nakasuot ng barong at camouflage uniform at nagpakilalang mga ahente ng National Bureau of Investigation. Tulad ng nakagawian, biktima ang mga “pambalang” pfc. at pvt.
Simula nang manungkulan si P-Noy, daan-daang sundalo’t pulis na ang napapatay at nasusugatan dahil maliwanag pa sa sikat ng araw (na ayaw tanggapin ng Armed Forces at National Police) na higit na malalakas ang kalaban sa Sulu, Basilan, Maguindanao, North Cotabato, Zamboanga del Sur, Zamboanga del Norte, Bukidnon, Lanao del Sur, Compostela Valley, Davao Oriental, Davao del Sur, Agusan del Sur, Surigao del Sur, Negros Occidental, Batangas, Quezon, Capiz, Mindoro, Camarines Sur, Albay, Masbate, Sorsogon, Samar, Northern Samar, Abra, Ilocos Sur, Kalinga, Apayao, Isabela at Cagayan.
Hanggang pagkondena na lang ba ang pangulo at si Defense Secretary Voltaire Gazmin? Ano ba ang ginagawa nina OPAPP Secretary Teresita Deles at chief peace negotiator Marvic Leonen (bukod sa pagsusulong ng makalumang taktika ng peace talks na sinimulan noong panahon ni Ramon Magsaysay)? Higit sa lahat, ano ang ginagawa ng pamunuan ng militar (walang nakikitang sigla’t gilas sa operasyon, bukod sa kulang ang panustos dito)?
Sa bagong Maguindanao, Basilan at Sulu, nagtataka ang taumbayan dahil sa kabila ng 250,000 puwersa ng gobyerno ay talo pa rin ito sa di aabot na 200 tauhan ng Abu Sayyaf.
Sa pangkalahatan, nasa peligrong situwasyon na ang bansa. Maaaring hindi nararamdaman ang takot at pag-aalala sa Metro Manila, na abala pa rin sa pagbabandera ng katiwalian at wala pang nililitis sa korte.
Kahiya-hiya ang liderato, di lamang si Pangulong Aquino, kapag parating nananalo ang kalaban.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.