AWANG-AWA ang mga tagasuporta ng aktres at negosyanteng si Neri Miranda nang makita siyang nakaposas habang nasa loob ng Pasay City Jail.
Sa unang pagkakataon ay napanood ng publiko si Neri matapos ang pag-aresto at pagkulong sa kanya dahil sa mga kasong paglabag sa Securities Code at syndicated estafa.
Sa isang video ng GMA News, makikitang nakaposas (nababalutan ng puting tela) at nakayuko si Neri at nakasuot ng cap at dilaw na t-shirt na may tatak na “BJMP detainee” habang napapaligiran ng mga pulis.
Ibinalik si Neri sa female dormitory ng Pasay City Jail matapos ang nakatakda sanang arraignment niya kahapon sa Pasay Regional Trial Court na naurong sa January 9.
Baka Bet Mo: Kampo ni Neri naghain ng ‘motion to quash’, arraignment inurong sa Enero
Ayon sa ulat ng “24 Oras”, iniutos ng RTC Branch 111 na magpaliwanag muna ang prosecution at Securities Exchange Commission (SEC) hinggil sa “motion to quash” na inihain ni Neri kaya iniurong ang arraignment sa dating aktres sa Enero 9, 2025.
Samantala, mas dumami pa ang nakisimpatya sa nangyari kay Neri kabilang na si former Sen. Kiko Pangilinan.
Sabi ng asawa ni Sharon Cuneta sa kanyang Facebook post, “Narito kami handang tumulong, Chito.” Dito, nag-explain ang dating senador sa mga kaso ni Neri na may kaugnayan sa pagiging endorser niya ng isang beauty company.
“Ang product endorser ay isang talent at kung walang koneksyon o kinalaman sa ownership or management at operations nung kumpanya na involved sa iligal na operations ay hindi dapat managot sa nasabing iligal na gawain.
“Ako mismo ay saksi sa kabaitan ni Neri. Nabiktima din si Neri ng mga estafador at ang dapat habulin dito ay ang may ari at nagpapatakbo ng kumpanya.
“At dagdag pa, dahil walang natanggap na anumang mga notice sina Chito at Neri sa kaso, kwestyonable ang ligalidad ng warrant of arrest na dapat kwestyunin sa hukuman.
“Nawa’y ma-dismiss na ang kasong ito outright o di kaya maibalik sa piskalya for preliminary investigation at in the meantime ay ma-quash o ma- set aside ‘yung arrest warrant,” sabi ni Kiko.