MARAMI ang nagtatanong at nagtataka kung bakit bigla na lamang nawala si Matteo Guidicelli sa morning show ng GMA 7 na “Unang Hirit.”
In fairness, talagang inaabangan din ng mga manonood ang mister ng Popstar Royalty na si Sarah Geronimo sa naturang programa every morning dahil sa hatid niyang mga hirit good vibes.
Kaya naman nang mawala siya sa show ang tanong ng Kapuso viewers, “Anyare? May nangyari bang hindi kagandahan sa pagitan ni Matteo at ng UH Barkada?”
Sa naganap na presscon para sa 25th anniversary ng “Unang Hirit” kamakailan na ginanap sa Gateway Mall 2, natanong ang isa sa original host ng programa na si Arnold Clavio tungkol dito.
“Di ba, contract star siya dito, di ba? So, may kontrata siya, and ewan ko kung dapat sabihin,” ang simulang tugon ni Igan.
Baka Bet Mo: Iya umaming mas hirap ipagbuntis ang ika-4 na baby: Grabe yung morning sickness ko ngayon
“Pero nagpaalam siya nang maayos and parang gusto niya yung personal life, lalo na sila ni Sarah na bumuo ng pamilya.
“So, yung schedule niya, medyo… baka pagod, ganyan, and we respect that. Thank you du’n, so naging part siya ng Unang Hirit. Talagang maraming naghanap.
“And respetuhin mo yun, e. Priority niya talaga, family… family first talaga kahit sino naman,” saad pa ng veteran broadcaster at news anchor.
Ngayong December na magsisimula ang pasabog na pagdiriwang ng silver anniversary ng “Unang Hirit” na tinawag nilang “National Unang Hirit Day”.
Bukod kay Igan, nandiyan pa rin sina Suzi Entrata-Abrera, Susan Enriquez, Lyn Ching, Atty. Gabby Concepcion at Ivan Mayrina with their younger co-hosts na sina Shaira Diaz, Kaloy Tingcungco, Chef JR Royol, Anjo Pertierra at Chef JR Royol.
Sey ni Igan, “25 taon na kaming naghahatid ng mga balita at mga sorpresa. Maraming salamat sa mga kasama naming gumigising ng madaling-araw.
“Bahagi na ng aming buhay ang magpasaya sa inyo, magbigay ng pag-asa, at maging alarm clock ninyo sa umaga at source ng mahahalagang impormasyon.
“Mula noon hanggang ngayon, walang pagbabago. Ang mauna kayo sa lahat ang dala-dala naming pangako hanggang sa susunod na 25 taon,” aniya pa.
“Simula nung nabigyan ako ng chance na maging morning show host, yung commitment ko every day, ganu’n na lang. Gigising ka na iniisip mo ang viewers.
“Ngayon, yung direksiyon na tatahakin namin, siguro it would be the same, dahil nagustuhan ng tao, e. Wala na akong nakitang dapat baguhin.
“Yung emergence ng social media kung mapapansin niyo, du’n na rin yung direksiyon namin. May social platform na rin po yung Unang Hirit, nasa TikTok, nasa Facebook na. Surprisingly, pati sa mga bus na may TV, nakikita namin nagko-comment, e.
“Siguro yun ang direksiyon namin, e, sasabay ka sa pagbabago dito sa mundo. And kung kami lang, personally, sa akin lang, ha, wala naman akong nakikitang changes.
“Kung ano yung nakita niyo 25 years ago, yun pa rin yung gagawin ko hanggang ngayon,” pagbabahagi pa ni Igan.