April Boy Regino sumanib kay John Arcenas sa shooting ng ‘Idol’
SUMANIB ang kaluluwa ng tinaguriang Idol ng Masa na si April “Boy” Regino sa baguhang aktor na si John Arcenas.
Nangyari raw ito habang nagsu-shooting siya para sa pelikulang “Idol: The April Boy Regino Story” kung saan siya ang gumaganap bilang April Boy.
Nakausap namin si John sa naganap na premiere night ng movie nitong nagdaang Friday, November 22, sa Grand Duchess Ballroom ng Great Eastern Hotel, Quezon Ave., Quezon City.
“Alam n’yo po, may kuwento po ako. Nag-shoot po kami sa mismong bahay ni April Boy Regino sa Marikina po. Sa mismong kuwarto niya po, doon po kami nag-shoot,” simulang pagbabahagi ng aktor.
Pagpapatuloy ng binata, “Tapos, may isang eksena po doon na pinasuot po sa akin yung totoong damit ni April Boy Regino.
Baka Bet Mo: Anak ni April Boy na si JC Regino may kanta para sa mga baliw sa pag-ibig
“So habang sinu-shoot po yon, talagang kinikilabutan ako. Nilalamig po talaga ako literal. And yun po, sabi po nu’ng kasama po namin na aktres, si Tita Irene Celebre, na hindi niya nakikita si John Arcenas.
“Kita lang niya mismo si April Boy Regino, and kinikilabutan siya,” aniya pa.
Mga damit din daw talaga ng OPM legend ang ginamit niya sa movie at sukat na sukat ang mga ito sa kanya, “Yes, sakto nga po, e!”
Nagdalawang-isip ba siya na isuot ang damit ni April Boy? “Sa totoo po nu’ng una, kinakabahan talaga ako.”
“Sabi ko, susuutin ko ba talaga yun? Kasi, I mean, respect din kay Sir April Boy, di ba?
“And siyempre, yun nga, kinakabahan talaga ako. Pero ang nagsabi naman po, yung asawa niya po,” sabi pa ni John.
Sundot na tanong namin kung feeling ba niya, sumanib talaga sa kanya si April Boy? Umoo agad ang aktor, “Sumanib po talaga. Totoo po.”
Ano naman ang feeling na siya ang napiling bida sa biopic ni April Boy Regino? “Hindi ako makapaniwala. Kasi siyempre, di ba, para mabigyan ka po ng responsibility na ganu’n, ng role na April Boy Regino.
“Hindi po talaga ako makapaniwala, and sobrang blessed ko. Nag-pray agad ako. Sabi ko, ‘Lord, pagbubutihin ko ito. Kayo na po yung bahala,’” dugtong ni John.
Pinanood ni John ang mga interview at pelikula ni April Boy bilang paghahanda sa kanyang karakter, “May mga interviews siya bago siya mamatay, and meron siyang interview na bulag na siya.
“Yun talaga yung ano, kinuwento niya yung buhay niya. Kinuwento po niya yung mga naging sakit niya, mga challenges niya sa buhay,” saad pa niya.
Si Kate Yalong ang leading lady ni John sa movie na siyang gaganap bilang si Madeline, ang asawa ni April Boy. Kasama rin dito sina Rey PJ Abellana, Tanya Gomez, Dindo Arroyo, JC Regino, at Jaudencio Yago.
Showing na sa mga sinehan nationwide ang “Idol: The April Boy Regino Story” simula sa November 27. Ito’y isinulat at idinirek ng veteran actor na si Efren Reyes, Jr., produced by WaterPlus Productions ni Marynette Gamboa.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.