College student na suma-sideline bilang rider patay sa pamamaril
NAGLULUKSA ang nanay ng college student na nakilala bilang si Allan Vincent Eugenio matapos itong mamatay sa pamamaril.
Base sa inilabas na ulat ni Emil Sumangil sa “24 Oras” noong Lunes, October 7, patay ang 22-anyos na binata matapos itong pagbabarilin nang lalaking nagnakaw ng kanyang motor.
Ipinaparada na raw ng college student ang kanyang motor mula sa pagsa-sideline sa pagde-deliver nang bigla itong lapitan ng dalawang lalaki.
Bigla raw bumunot ng baril ang isa sa mga lalaking lumapit sa college student at itinutok ito sa kanya. Tumakbo naman ang binata palayo ngunit hinabol siya ng lalaki na may baril at pinaputukan ito nang hindi bababa sa sampung beses hanggang sa bumagsak na ito sa bangketa.
Baka Bet Mo: Bed scene nina Jericho at Janine pasabog; 4 na karakter sa ‘BQ’ patay
Agad ngang tumakas ang dalawang lalaki gamit ang motor ni Allan.
Ayon naman sa ina nitong si Michelle ay agad siyang napabalikwas nang marinig ang tunog ng baril kaya lumabas ito ng bahay at nakita ang sinapit ng kanyang anak.
Dinala pa nila sa ospital si Allan ngunit agad rin itong binawian ng buhay dahil sa mga tinamong tama ng baril.
“Napakasakit. May pangarap ‘yung anak ko. Makatapos [ng pag-aaral], makatulong, tapos sa isang iglap, ikaw ang nagtanggal ng buhay ng anak ko. Diyos na po ang bahala sa kaniya,” saad ng ina ng college student.
Dagdag pa nito, ““Bakit ganoon ‘yung ginawa n’yo sa anak ko? Kung intensyon n’yong agawin ‘yung motor niya, sana kinuha n’yo na lang. Bakit pinatay n’yo pa?”
Naaresto naman na ng mga pulisya ang dalawang suspek sa pagkamatay ng binata.
Ayon sa mga otoridad, pakay raw talaga ng mga suspek ang nakawin ang motor ng binata.
Nahaharap naman sa mga kasong violation of carnapping, illegal possession of firearms, at murder ang dalawa.
Sabi pa ni Pasig City Police chief PCol. Hendrix Mangaldan na modus operandi na raw ng naturang mga suspek ang mag-carnap ng motorsiklo at ang barilin ang biktima na magtatangkang manlaban.
Kilala si Allansa kanilang lugar na suma-sideline para makatulong sa pamilya at isa ring sakristan na nagsisilbi sa kanilang parokya.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.