PARAMI pa nang parami ang mga artista at kilalang personalidad na sasabak sa magaganap na midterm elections sa 2025.
Nadagdag sa listahan ng mga celebrities na tatakbo sa Eleksyon 2025 ang nag-iisang Superstar at National Artist na si Nora Aunor at ang hunk actor na si Aljur Abrenica.
Naghain na ng kanilang certificate of nomination and acceptance (CONA) sina Ate Guy at Aljur ngayong araw, October 7.
Tatakbo si Ate Guy bilang second nominee ng People’s Champ partylist habang si Aljur naman ay kakanditatong konsehal sa Angeles City, Pampanga.
Sabi ni Nora sa kanyang speech, “Ninenerbiyos ako talaga. Hindi ko po inisip na mapunta ako dito na magsasalita sa harap ninyo.
“Pero sa kagustuhan ko pong makatulong po sa ating mga kababayan, makatulong po sa mga kasamahan ko sa industriya ng musika, industriya ng puting-tabing, at sa entablado.
“Kaya po ako naglakas-loob at talagang gustong makatulong para sa lahat, lalo na sa ating mga kababayan.
“Ang akin pong pasasalamat sa People’s Champ Partylist sapagkat sila po ang nakiusap sa akin na tutulong para matupad po ang aking pangarap na makatulong sa ating mga kababayan,” pahayag ng Superstar.
Tatakbo raw si Ate Guy, “Para sa industriya po ng pelikulang Pilipino, mga kasamahan kong artista, yung mga maliliit na mga nagtatrabaho sa industriya ng pelikulang Pilipino, sa musika, at siyempre sa ating mga na kelangan talaga ng tulong, yung mga mahihirap po.”
Matatandaang tumakbo na rin ang premyadong aktres bilang kinatawan ng NORAA Partylist o National Organization for Responsive Advocacies for the Arts noong May, 2022 elections pero natalo siya.
Kumandidato rin siya noong 2001 bilang gobernador ng Camarines Sur pero hindi rin siya pinalad na manalo.
Samantala, tatakbo naman si Aljur sa pagkakonsehal sa Angeles City, Pampanga sa ilalim ng partidong ni former Philippine National Police Chief Oscar Albayalde, na kakandidato naman bilang mayor ng Angeles.