Jon Lucas hindi kayang gumawa ng LGBTQ project, dahil ba sa INC?

Jon Lucas hindi kayang gumawa ng LGBTQ project, dahil ba sa INC?

Jon Lucas at Faith Da Silva

HINDI pala keribels ng Kapuso actor at magaling na kontrabida na si Jon Lucas ang sumabak sa mga BL o Boy’s Love series or movies.

May mga natatanggap din daw na offer ang dating member ng Hashtags na bumida sa mga proyektong may temang LGBTQIA+ pero marespeto raw niya itong tinatanggihan.

Paliwanag ng Kapuso star, wala naman daw itong kinalamam sa pagiging Iglesia ni Cristo (INC) niya, hindi lang talaga siya kumportableng gumawa ng BL.

Nakachikahan ng BANDERA at ng veteran entertainment columnist at radio host na si Gorgy Rula si Jon pagkatapos ng presscon ng GMA 7 para sa 3rd anniversary ng “Regal Studio Presents”.

Baka Bet Mo: Jon Lucas napasabak sa showbiz para mapauwi sa Pinas ang inang OFW

Ang episode nina Jon at Faith da Silva na “Stuck On You” ang isa sa mga handog ng Regal Entertainment para sa ikatlong anibersaryo ng “Regal Studio Presents” na nagsimula na kahapon, October 6.


Sabi ni Jon tungkol sa alok na BL project, “Ako personally, hindi ko rin magawa yan kasi may dalawang kids na rin po ako.

“Siyempre, alam naman ng mga tao na kasal na po ako, may asawa na, may mga anak na. So, parang hindi ko po talaga naisip na tanggapin o gawin po yung ganu’n,” paliwanag ni Jon.

Samantala, bukod sa GMA News and Public Affairs management, tumatanaw din si Jon ng utang na loob sa Kapuso Action-Drama Prince na si Ruru Madrid na nakasama niya sa very successful na “Black Rider.”

Kuwento ni Jon, dahil daw sa “Black Rider” ay mas naipakita niya ang kanyang versatility as an actor. Nailabas niya sa serye ang husay niya sa pagkokontrabida.

“Siguro may factor din na nababanggit ni Ruru sa production na kunin ako, isama ako. Hindi ko po sure na gawing kontrabida niya, na gawing second lead. Pero feeling ko nababanggit niya yung pangalan ko. Para tulungan din po ako.

“Kasi lagi po kaming nag-uusap dati na, ‘Sige, bro, balang araw magkatrabaho tayo,’ ginaganu’n niya ako. Kasi nu’ng panahon na yun, may Lolong na siya, nakapag-lead na siya sa mga teleserye.

“Hinihintay ko yung mga panahon na yun, tapos eto nga, dumating na yung Black Rider, kaya ang sobrang saya po namin,” sabi ni Jon.

Patuloy ng Kapuso actor, “Meron man siyang sinabi o wala sa production po sa public affairs, may utang na loob po ako sa kanya. Kasi nakasama po ako dito sa malaking proyekto na to.


“Kahit po nu’ng during taping days namin, tinutulungan niya po ako sa lahat na mga eksena namin, gina-guide niya po ako.

“Mas matanda ako sa kanya, pero sa experience din kasi sa acting, sa dami ng ginawa niyang projects, ang feeling ko naman, mas lamang siya sa akin. Passionate talaga siya, wala akong masasabi sa tao na yun,” sabi pa ni Jon patungkol sa kapatid niya sa INC.

Nabanggit din ng aktor na talagang ipinpaalam at ikinokonsulta muna niya sa INC ang mga sensitibong eksena niya sa mga ginagawang proyekto, lalo na ang pagkokontrabida.

“Unang-una bawal ang pumatay ng tao, pinagbabawal mag-drugs, pinagbabawal manakit ng babae.

“Lahat po na sinabi ko na bawal, ginawa ko sa Black Rider, di ba? Bawal manggahasa, ginawa ko sa Black Rider. So mga ganu’ng bagay po kino-consult din po.

“Pero kung ipaalam ko, kung anuman yung pasya nila, iyun po yung tatanggapin ko. Kung sinabi pong okay, go. Kung sinabi pong bawal, bawal po talaga. Kasi iyun nga po, yung story yun po, e. Kumbaga, work po talaga,” sey pa ni Jon.

Natanong din si Jon kung medyo choosy na ba siya ngayon sa mga projects na inaalok sa kanya dahil nakapag-second lead na siya sa isang primetime series.

“May mga tao po talagang nagsasabi sa akin na piliin ko na yung mga trabaho na tinatanggap. Kasi, totoo po na sa awa ng Diyos at sa suporta ninyong lahat na mga Kapuso po natin na tumatak po yung Black Rider na programa po natin.

“Kaya ang payo ng iba, ayusin na yung role na binibigay. Pero sa akin po kasi, hindi ko binabalewala yung mga payo nila, nirerespeto ko po yun. And I think tama naman po sila, pero iniiwasan ko po na magkaroon sa utak ko na, ‘oo nga, eto na ako ngayon.’

“So, hangga’t maaari po ay gusto ko ganu’n pa rin. Ayoko na kapag yung dating tumutulong sa akin ay tinatanggihan ko na sila.

“Ibig sabihin, para naman ako…ng taas ng tingin sa sarili, lumaki na yung ulo. So, hangga’t maari nakatanim sa puso’t isip ko kung sino po yung nandu’n nu’ng panahong wala po ako talaga.

“Itong Regal po, sila po yung tumulong sa akin na magkaroon ng mga guestings sa pelikula, nung panahong na wala naman ako sa showbiz.

“Nu’ng wala na po ako sa Hashtags, kinuha po ako nina Mother Lily (Monteverde) si Ms. Roselle (Monteverde), isinasama po ako sa mga pelikula nila,” aniya pa.

“Kaya itong mga ganitong offer, hindi ko man matutumbasan yung tulong na yun, pero at least part pa rin ako ng mga programa nila,” paliwanag pa ni Jon na ang tinutukoy nga ay ang “Regal Studio Presents” na napapanood pa rin every Sunday, 4:15 p.m. sa GMA 7.

Read more...